(Simula sa Mayo 11)ALOKASYON NG TUBIG PARA SA IRIGASYON PUPUTULIN

IRIGASYON

SUSUSPENDIHIN ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon ng tubig para sa irigasyon simula sa Mayo 11 bilang paghahanda sa susunod na crop season.

Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr., ang suspensiyon ng alokasyon ng tubig ay kasabay ng nagpapatuloy na harvest season.

“Nag-aani na ang mga magsasaka sa Bulacan at Pampanga. Kapag nag-aani na po, hindi na ganoon kalaki ang pangangailangan nila sa tubig para sa kanilang irigasyon,” pahayag ni David.

Aniya, babawasan ng NWRB ang alokasyon ng tubig para sa irigasyon ng 10 cubic meters per second bago ito tuluyang putulin matapos ang Mayo 10.

“Pagkatapos ng May 10, suspendido na muna ang alokasyon o pag-release ng tubig sa Angat Dam. Hihintayin natin ‘yung susunod nilang pagtatanim sa kalagitnaan ng June,” dagdag pa niya.

Ang pagbabawas ng alokasyon ay bahagi rin ng pagsisikap ng NWRB na magtipid ng tubig bago ang pagtama ng El Nino phenomenon sa bansa.

Sa babala ng PAGASA, ang El Niño ay inaasahang mararanasan simula sa susunod na buwan kung saan ang Mindanao ang posibleng pinakamaaapektuhan.