(Simula sa Pebrero 1) PRESYO NG PINOY PANDESAL, PINOY TASTY TATAAS

KINUMPIRMA kahapon ng mga panadero na aprubado na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kanilang hirit na taas-presyo sa Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal, na kabilang sa basic goods na nirerendahan ng gobyerno.

Epektibo ang dagdag-presyo sa Pebrero 1.

Ayon sa Philippine Federation of Bakers Association Inc. (PFBAI), mula P21.50 ay tataas sa P23.50 ang 10-piece pack ng Pinoy Pandesal habang magiging P38.50 naman ang presyo ng Pinoy Tasty mula P35.

Ang dagdag-presyo ay dahil sa pagmahal ng harina na ginagamit sa paggawa ng tinapay. Tumaas din ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG), butter, margarine at iba pang sangkap na ginagamit sa paggawa ng tinapay.

Kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng harina at iba pang sangkap ay maaari umanong masundan pa ang dagdag-presyo.

“Kung manatiling ganito pa rin ang presyo… talagang mapipilitan sa Marso na ituloy ‘yong pangalawang antas ng paggalaw ng presyo nito,” pahayag ni Chito Chavez ng PFBAI.

Nakatakdang ianunsiyo ni DTI Secretary Ramon Lopez ang price adjustment sa Huwebes.