TINIYAK ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga commuter na magkakaroon ng sapat na moda ng transportasyon sa Pebrero 1, kung kailan hindi na papayagang bumiyahe ang unconsolidated public utility vehicles (PUVs).
“We have two backup plans. On February 1 on the assumption na kulang na talaga, there are what we call rescue vehicles. Number two, jeepneys plying the adjoining route… we will allow now those jeeps to ply that existing route na kinukulang and will be issuing special permits for them,” pahayag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz sa CNN Philippines
Ayon kay Guadiz, ang rescue vehicles ay ide-deploy lamang sa loob ng isa hanggang dalawang linggo dahil inaasahan niya ang sapat na bilang ng special permits na ipalalabas sa panahong iyon.
Aniya, nakipag-ugnayan na rin sila sa local government units at sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa posibleng scenario sa Peb. 1.
Ang unconsolidated drivers ay pinapayagan lamang pumasada hanggang Enero 31.
Simula sa susunod na buwan, hindi na sila maaaring bumiyahe at ikokonsidera nang kolorum.
Nanindigan ang LTFRB na wala silang nakikitang anumang transport crisis, partikular sa National Capital Region (NCR) sa kabila na mahigit 300 ruta ang walang consolidated entities.
“In one route, we only look into the jeepneys, but remember in a certain route, there are buses, there are UVs, there are tricycles, there are TNVS going on those routes,” wika ni Guadiz, at idinagdag na may surplus pa nga sa bilang ng PUVs dahil ilang ruta ang may duplicated franchise kaya kailangang bawasan.
Ayon kay Guadiz, ang consolidation rates sa buong bansa at sa Metro Manila pa lamang ay 76.6% at 97%, ayon sa pagkakasunod. Inaasahang tataas pa ito dahil ang mga nabigong sumali sa kooperatiba o korporasyon ay maaari pang lumahok.