(Simula sa susunod na linggo) MAS MURANG BIGAS SA METRO

NANGAKO nitong Biyernes ang mga rice retailer mula sa major markets sa Metro Manila na magbebenta sila ng mas murang regular at well-milled rice simula sa susunod na linggo.

Ang pangako ay ginawa ng mga tindera sa palengke sa isang consultative meeting na ipinatawag noong nakaraang linggo ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. upang imbestigahan kung bakit nananatiling mahal ang bigas sa kabila ng ginawang pagtapyas ng pamahalaan sa taripa ng imported na bigas mula 35% sa 15% na lamang.

“They have agreed to sell well-milled rice for around P42 per kilo after we appealed to their sense of patriotism. We asked them to help ease the burden on the poor by providing more affordable rice,” wika ni Undersecretary for Operations Roger Navarro.

Pangunahing dahilan ng tariff cut sa bisa ng Executive Order No. 62 na noong Hulyo pa ipinatupad ang mapababa ang presyo ng imported na bigas sa mga pamilihan mula sa halagang P50 kada kilo at pataas.

Ang pamahalaan ay umaangkat ng bigas upang matiyak na sapat ang suplay ng bigas ng bansa habang hindi pa nakaaani ang mga Pilipinong magsasaka o apektado pa ng kalamidad ang mga lokal na produksiyon.

Nakapagsagawa na rin kamakailan ng konsultasyon ang mga opisyal ng DA sa mga rice importer upang matukoy ang tunay na dahilan ng pananatiling mahal ng mga inangkat na bigas sa mga pamilihan sa bansa. Sa naturang pagpupulong ay sinabi ng mga rice importer na nasa P38 kada kilo na lamang ang kanilang benta. Inginuso nila ang posibleng mataas na mark ups o patong ng mga rice retailer sa palengke na dahilan ng mataas na presyo nito sa pamilihan.

Ang konsultasyon ay isinagawa ng DA sa mga kinatawan ng rice retailers mula sa major markets sa Manila, Quezon City, Caloocan City, Pasig City, Las Piñas City, Taguig City, at Pasay City.

Ayon sa DA, nangako ang mga rice trader na ibababa nila ang price markup o patong nila sa P3 hanggang P5 kada kilo upang maibaba ang presyo ng bigas hanggang P42 kada kilo.

Mula nang ipatupad ng pamahalaan ang tariff reduction noong Hulyo ay halos 1.7 milyong metriko tonelada ng imported na bigas ang dumating sa bansa mula sa unang linggo ng Nobyembre, ayon sa datos ng Bureau of Customs.
Ma. Luisa Macabuhay- Garcia