PATAY ang driver habang sugatan ang pasahero nitong babae nang salpukin ang pinapasada nitong tricycle ng isang Ford Ranger na tumakas matapos ang aksidente sa Quezon City, Sabado ng umaga.
Namatay habang ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center ang tricycle driver na si Joel Laroa, 54- anyos nakatira sa No. 28 Interior 1 V, Gonzales St., Krus na Ligas, Quezon City.
Sugatan naman ang kaniyang pasahero na nakilalang si Rozelle Morales, 27-anyos, Customer Service Associates, at naninirahan sa Antipolo City.
Tumakas naman ang driver ng Ford Rager Pick Up Color Black na may plakang NCG 8456 na kinalaunan ay nalaman sa Land Transportation Office (LTO) na nakarehistro ang nasabing sasakyan kay Col. Mark Julio Abong, hepe ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).
Inaalam pa ng mga awtoridad kung ang nasabing opisyal ng QCPD ang nagmamaneho ng sasakyan nang maganap ang aksidente.
Sa naantalang report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3, bandang ala-5 ng umaga ng Sabado nang maganap aksidente sa kanto ng Anonas at Pajo St., Brgy. Quirino 2A, sa lungsod.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni SMS Jose Soriano ng QC Traffic Sector 3, pareho umanong binabaybay ng tricycle at ng Ford Ranger pickup ang kahabaan ng Anonas patungong Auroa Blvd. galing sa Kamias Road sa Brgy. Quirino 2A.
Pagsapit sa nasabing lugar ay nasalpok ng Ford Ranger ang kaliwang bahagi ng tricycle na minamaneho ng biktima.
Dahil sa lakas ng tama ay tumumba ang tricycle at naipit ang driver maging ang sakay niyang pasaherong babae.
Sa halip na tulungan umano ng driver ng Ford Ranger ang mga biktima ay mabilis pa nitong pinaharurot ang kaniyang sasakyan.
Agad namang isinugod ng mga nakasaksi sa aksidente ang mga biktima sa nasabing ospital subalit kinalaunan ay binawian ng buhay ang tricycle driver habang inoobserbahan pa ang sakay nitong.
EVELYN GARCIA