PINAYAGAN na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na buksan na ang mga sinehan, library, museo at iba pang leisure centers sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) bilang bahagi ng pagbangon ng ekonomiya.
Ito ang inihayag sa press briefing ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Gayunman, sinabi ni Roque na bagaman pumayag na ang IATF-MEID, kailangan pa rin ang mahigpit na pagsunod sa health protocols dahil nananatili pa ang COVID-19 pandemic at wala pa sa bansa ang bakuna laban sa naturang virus.
“Traditional cinemas and some other leisure activities will be allowed to reopen and expand subject to conditions to be imposed by the concerned government agencies,” wika pa ni Roque.
Sinabi ni Roque na pumayag ang IATF MEID upang madagdagan ang bilang ng may hanapbuhay at tuluyan nang makarekober ang ekonomiya makaraan ang masinsinang pulong.
Ang desisyon ng IATF ay alinsunod sa kanilang resolution number 99. Magkakabisa ang kautusan sa Pebrero 15.
Bukod sa sinehan, museo at library at maaari ring magamit sa lifestyle events ang mga recreation hall, leisure centers at iba’t ibang venue na isinara sa kasagsagan ng mahigpit na kuwarantina noong Marso ng nakaraang taon.
Maaari na ring mag-operate ang mga driving schools, cultural centers, archive museum, mga wildlife park, at iba pang tourist attractions. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.