INANUNSIYO ng Manila Electric Company (Meralco) angpagtaas sa singil sa koryente ngayong Mayo sa likod ng mas mataas na generation charges.
Ayon sa Meralco, tataas ang singil sa koryente ng P0.1761 per kilowatt-hour (/kWh) ngayong buwan, kaya ang overall rate para sa isang typical household ay magiging P11.4929/kWh mula P11.3168/kWh noong Abril.
Katumbas ito ng P35 sa total electricity bill ng mga kumokonsumo ng 200 kWh.
Ayon sa Meralco, ang generation charges ay tumaas sa P7.6697/kWh mula P7.3295/kWh noong Abril sa likod ng mas mataas na halaga ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) and Power Supply Agreements (PSA).
Ang WESM charges ay tumaas sa P1.7367/kWh dahil sa mas mataas na peak demand, habang ang PSA ay umakyat sa P0.9086/kWh dahil nakaapekto ang paghina ng piso sa mahigit 26% ng halaga ng PSA na dollar-denominated.
Gayunman, sinabi ng power distributor na ang rate increase ay bahagyang na-offset ng pagbaba sa transmission charges na bumagsak ng P0.2455/kWh sa mas mababang ancillary service charges.
“To better manage electricity consumption, which historically spikes between 10% to 40% during the dry season, Meralco encourages the public to embrace energy efficiency and conservation,” sabi ng Meralco.