SINGIL SA REMITTANCE IPINASASAPUBLIKO SA MGA BANGKO

HINILING ng isang kongresista sa mga bangko na isapubliko ang singil sa remittances ng overseas Filipino workers (OFWS).

Ayon kay ACTS OFW partylist Rep. John Bertiz, dapat obligahin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bangko sa bansa na i-display o i-post sa mga website ang international remittance prices.

Sa katunayan, aniya, ang ibang fees at charges na ipinapataw ng mga bangko ay isinasapubliko na rin kaya walang ibang dahilan para hindi rin ito gawin sa remittance prices.

Isinusulong din ng ACTS-OFW ang pagpapababa sa singil sa bank remittance para mabawasan ang singil sa pagpapadala ng pera ng OFWs sa kanilang pamilya sa Filipinas.

Batay sa World Bank’s Remittance Prices Worldwide, ang bangko ang pinakamahal na remittance service provider na may average cost na 10.51% sa halagang ipadadala.

Sa tala naman ng World Bank, aabot sa 85% ang perang nakukuha ng mga bangko mula sa ipinadadalang pera ng mga OFW.

Noong Enero hanggang ­Setyembre ng kasalukuyang taon, umabot sa $21.29 billion ang ipinadalang pera sa bangko ng mga OFW, mas mataas sa naitala sa kaparehong buwan noong 2017 na nasa $20.78 billion.  CONDE BATAC

Comments are closed.