INUNAHAN na ng Philippine National Police (PNP) ang paghahanda habang lumalapit ang inaasahang na lalakas bilang typhoon category si severe tropical storm Pepito (international name Man-yi) dala ang lakas ng hangin na 110 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na 135 kilometro kada oras.
Habang may sapat na oras at panahon, inihayag ni Office of Civil Defense (OCD) Operations Service Director Cesar Idio na epektibo kahapon ay ipatutupad ang preemptive evacuation sa Regions 1, 2, 3, 5, 6, 7, Calabarzon (sakop ang 5 probinsya), Mimaropa (may 4 probinsya).
Ang preemptive evacuation sa walong rehiyon ay tugon sa kautusan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. dahil posibleng tahakin ni Pepito ang direksyon ng mga ito.
Sa panig ng Philippine National Police (PNP), inamin ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo nitong Huwebes pa lang ay puspusan na ang ginagawang preemptive evacuation sa mga coastal community gayundin sa mga lugar na lantad sa baha at pagguho ng lupa.
Kabilang sa mga lugar na isinasagawa ang paglilikas ang mga lugar sa rehiyon ng Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, at Bicol na binayo ng bagyong Ofel.
Bagaman bahagyang humina, si Ofel ay nananatili pa rin sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS) at inaasahan na palabas na ng bansa.
Ayon kay Fajardo, halos 5,000 pulis ang nakakalat na sa mga nabanggit na rehiyon bukod pa sa humigit kumulang 3,500 na nakaantabay para sa emergency deployment.
Batay sa datos ng PNP, nasa mahigit 8,000 pamilya (8,890) o katumbas ng mahigit 30,000 indibidwal (30,089) ang inilikas na sa Cagayan Valley at karatig na mga lugar.
Inatasan na rin ang tropa ng pulisya sa hilagang Luzon na patuloy na magbantay sa kanilang nasasakupan at makipag-ugnayan agad sa mga lokal na awtoridad para sa kagyat na pagtugon sa kalamidad.
EUNICE CELARIO