(Sinisilip ng SRA) PRICE MANIPULATION SA ASUKAL

TINITINGNAN ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang posibilidad ng price manipulation sa gitna ng pagbagsak ng farmgate price ng locally produced na asukal. 

Ayon kay SRA Administrator Pablo Luis Azcona, isa sa sinisilip nila ang anggulong sino ang nagmanipula sa presyo.

Inilabas ng SRA ang Resolution 2023-159, na may petsang September 26, na pumipigil sa pagpapalabas ng 150,000 metric tons ng imported na asukal sa merkado para mapanatili ang makatarungang farmgate price ng raw sugar na nasa P3,000 kada bag.

Kasunod ito ng patuloy na pagbulusok ng average farmgate price ng raw sugar na sa un- ang dalawang linggo ng crop year 2023-2024 ay nasa P2,500 hanggang P2,750 kada bag.

Sinabi ni Azcona na bagama’t ang farmgate prices ay bumababa, napanatili naman ang retail prices nito.

Hanggang September 29, ang retail prices ng refined sugar sa Metro Manila ay nasa P85 hanggang P100 kada kilo.

“For me, that is alarming because we are hurting the farmers and the consumers,” sabi ni Azcona.

Aniya, ang malaking pagbaba sa farmgate prices ay bunsod ng ispekulasyon na ilalabas sa merkado ang mga reserved sugar.Sinabi ni Azcona na ipinag-utos ng ahensiya ang pag-iinspeksiyon sa lahat ng bodega na kinalalagyan ng mga reserved sugar upang matiyak na naroon pa ang mga ito.

“We have not found any discrepancy so far, the rest is we might think of inspecting the balances on the other warehouses holding on to domestic sugar so we can see if the numbers are actually accurate,” anang SRA chief.