SINO ANG SUSUNOD NA BIR DEPCOM?

MARAMI ang nag-aabang sa magiging susunod na deputy commissioner for operations ng Bureau of internal Revenue (BIR) na nabakante matapos na italaga ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos si Tax Lawyer Romeo Lumagui, Jr. bilang bagong BIR chief.

Dalawa ang lumulutang na pangalan na umano’y pinagpipilian ng Chief Executive pero posibleng mayroon ding biglang sumulpot na aspirante na maaaring irekomenda sa Pangulo.

Kamakailan ay marami ang nagulat nang sibakin sa puwesto ni Presidente Bongbong si 6-month old BIR Commissioner Lilia Guillermo, na bagama’t hindi isang CPA o lawyer ay isa namang IT expert.

Magkasabay na itinalaga ni PBBM sina Guillermo at noo’y deputy commissioner niya for operations na si Lumagui.

Sa pangyayari ay nasilat sa puwesto si Guillermo, subalit hindi agad nagtalaga ng bagong depcom for operations.

Ang tanong ngayon ay sino ang susunod na depcom? Sino ang kuwalipikado para sa nasabing posisyon? Dalawa nga lang ba ang pinagpipilian?

Una nang umugong na si East NCR Regional Director Edgar Tolentino ang itatalaga sa puwestong binakante ni Lumagui. Si Tolentino ay nagsimula sa pinakamababang puwesto bilang ordinaryong empleyado.

Sa pagsusumikap niya ay naging examiner, supervisor, assistant revenue district officer, RDO, at assistant regional director siya hanggang italaga bilang BIR regional director sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Matunog din ang pangalan ng OIC-Assistant Commissioner for Large Taxpayers na si former Makati City BIR Regional Director Maridur Rosario. Gaya ni Tolentino, si Rosario ay nagsimula rin sa mababang puwesto at sa pagsisikap ay nakamit ang pinakamataas na posisyon.

Si Tolentino, ayon sa source, ay personal choice ni Commissioner Lumagui na maging depcom ng BIR. Ito rin umano ang napipisil ni First Lady Liza Araneta Marcos, subalit wala pang linaw ang appointment nito.

Si Rosario na maybahay ni Supreme Court Associate Justice Ricky Rosario ay wala pa ring kalinawan kung imagiging susunod na BIR depcom.

May ilan pang personalidad na sinasabing aspirante o kinokonsidera sa nasabing posisyon.

Tumatagal ay tumatambak ang trabahong hindi nagagampanan sa opisina ng BIR deputy commissioner for operations at nabibimbin ang mga gawaing may kaugnayan sa pagpapatakbo at operasyon sa koleksiyon.

Si Tolentino ay nagpamalas ng excelent tax collection performance mula sa mababang posisyon hanggang makuha ang pinakamataas na puwesto sa BIR. Maraming ulit siyang itinanghal na top collector sa magkakaibang panahon.

Kinilala rin sa kanyang panahon bilang mahusay na tax collector si Rosario at tumanggap din ng iba’t ibang karangalan, gaya ni Tolentino.

Pero tanging si Pangulong Marcos ang magpapasya sa uupong bagong deputy commissioner for operations ng Kawanihan ng Rentas Internas.

Abangan!

(Para sa opinyon, mag-email sa [email protected] o tumawag sa 09266481092)