SINO BA ANG BULLY?

Magkape Muna Tayo Ulit

HINDI natin maikakaila na hindi maganda ang nangyari sa laro ng Gilas Pilipinas at ng Australia Boomers sa FIBA Asia.   Pitong koponan lamang ang makakapasok sa Asia upang makalahok sa FIBA Basketball World Cup sa susunod na taon. Ito ay gaganapin sa China.

Naging mainit ang laban sa pagitan nga ng Austraila at Filipinas dahil sa kanilang laro ay malalaman kung sino ang number 1 sa Group B. Hindi matanggap ng Austraila ang pagkatalo nila sa Japan bago ang laban nila sa Filipinas. Ang ating koponan naman ay tinalo ang Chinese Taipei.

Maugong tuloy ang ‘showdown’ ng Filipinas at Australia.

Huwag na tayong magplastikan. Mayabang ang Australia Boomers dahil alam nila na isa sila sa pinakamalakas na koponan sa Asia matapos isama ang grupo nila na Oceania sa grupo ng Asia. Marami sa kanila ay mga player ng NBA. Kaya tila napahiya sila sa kanilang pagkatalo sa Japan.

Bago ng laban nila noong Lunes, marami akong nababasa sa social media na kailangan ay maging agresibo at seryoso ang koponan ng Australia sa laban nila kontra Gilas. Tama naman ‘yun. Subalit mukhang sumobra yata sila. Lumabas ang kanilang masamang ugali.

Pagdating pa lamang nila sa Philippine Arena upang magpraktis ay walang habas na tinanggal ang mga sticker ng PLDT sa basketball court na wala man lamang paalam sa mga kinauukulan o sa mga opisyal ng FIBA. Sige, sabihin na natin na may pangamba na maaari silang madulas, pero kailangan pa rin nilang magpaalam dahil bisita lamang sila.

Ang sumunod na mga pangyayari ay maaaring hindi alam ng karamihan. Bago pa lang mag-umpisa ang laro ay nagsimula nang  magkainitan ang mga player ng dalawang koponan sa warm-up. Uulitin ko, nauunawaan ko na kailangan na maging seryoso at agresibo sila sa laban nila sa Gilas Pilipinas. Ngunit kitang-kita sa video na nambu-bully ang ilang players ng Australia sa ating mga manlalaro. Itinutulak nila ang ating players kapag lumalagpas sila sa kabilang kalahati ng basketball court.

Parang pinalalabas na teritoryo nila ‘yung kabilang kalahati ng court at bawal lumagpas ang ating players. Kailan pa kaya nakuha koponan ng Australia ang titulo ng lupa ng Philippine Arena at may polisiya silang ‘no trespassing’ doon? Samantalang walang angal ang players natin kapag sila naman ang lumagpas sa kabilang kalahati.

Nang mag-umpisa na ang laro, mainit at pisikal na. Ok lang. Kasama sa laro ‘yan. Pati ang tinatawag nilang ‘trash talking’ ay tanggap na rin. Ang laro talaga ng basketbol ay ‘pikon talo’. Suba­lit hindi naman yata tama na kung puwedeng gawin ito ng mga pla­yers ng Australia sa kalaban nila ay hindi puwedeng gawin ng kabilang koponan sa kanila. Sino ba sila? Patas dapat ang laban, ‘di ba?

Tila mahina rin ang mga referee sa pagkontrol sa laro. Nakikita na nila na masyadong pisikal at maangal na ang parehong koponan sa kalagitnaan ng laro. Dapat ay ipinakita ng mga referee na sila ang masusunod.

Kaya hayun, matapos na magbanggaan sina Pogoy ng Filipinas at Goulding ng Austra­lia ay biglang sumugod ang isang player nila na si Kickert at binigwasan si Pogoy.

Idagdag ko lang na makikita sa replay na nag-‘flop’ si Goulding. Ika nga, nag-acting lang. Ang talagang nag-umpisa ay si Kickert. Wala siyang karapatan na sugurin si Pogoy at sikuhin. Kaya nagkarambulan na. Hindi ko sinasabi na tama ang mga aksiyon ng mga player natin.  Pero dapat ay tingnan talaga kung sino ang nag udyok at kung sino ang nagpasimula. Kilala ang mga Filipino bilang napaka-hospitable. Saludo ako sa ginawa ni Al Panlilio ng Samahan ng Basketball ng Pilipinas (SBP).

Nagsalita siya sa mga fan sa loob ng Philippine Arena upang ipaalala na respetuhin ang laro ng basketball at hindi kailangang umabot sa ganoong pangyayari. Pero mali­naw na inabuso ito ng koponan ng Australia. Bastos sila. Racist at mayabang.

Ngayon ay pinalalabas pa nila na sila ang kawawa sa insidenteng ito? Sino ba ang talagang bully? Panoorin ninyong mabuti sa Youtube.

Basahin din ninyo ang ulat ng isang Australian sa newmatilda.com ni Cris Graham. Makikita ninyo talaga kung sino ang bully na koponan. Australia ba o ang Filipinas?

Comments are closed.