(Sistema ng PNP) MJ ERADICATION VS CHEMICAL SPRAY

TARGET ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group na gawing scientific ang kanilang sistema sa pagwasak sa mga nadidiskubreng marijuana plantation gamit ang mga chemical spray.

Ayon kay PDEG Director Brig. Gen. Narciso Domingo, ang mga plantasyon na ginagamitan ng chemical spray ay hindi na tutubuan pa ng mga marijuana seedling.

Nabatid na kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan ang mga awtoridad para sa malawakang pagwasak ng mga plantasyon ng marijuana sa pamamagitan ng chemical spray.

Sinasabing bahagi ito ng all-out operations ng PDEG laban sa mga marijuana cultivator na kadalasan ay nasa malalawak subalit liblib na lugar sa kabundukan.

Samantala, base sa datos ng PDEG mula Setyembre 12 hanggang 18 ay 72 law enforcement operations na binubuo ng 14 na buy-bust operations, 48 pagsisilbi ng warrants of arrests, 5 pagpapatupad ng search warrants at 5 marijuana eradications ang isinagawa ng PNP-PDEG.

Habang may 81 drug suspects naman ang naaresto, nasa mahigit 61 kilos ng shabu naman ang nasamsam at 720,000 tanim ng marijuana na may kabuuang halaga na P562 milyon ang nakumpiska. VERLIN RUIZ