MULING umapela ang commuter advocate group na Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa mga kinauukulan na unahin ang pagsasaayos ng sistema sa pagbibigay ng RFID stickers sa halip na manakot sa panghuhuli.
Ito ay kasunod ng December 2 deadline para makapag-install na ng RFID sa mga sasakyang dumadaan ng North Luzon at South Luzon Expressways o NLEX, SLEX, at iba pang expressways sa Luzon.
Sa isang phone interview ng Pilipino MIRROR, sinabi ni LCSP Founder Aty. Ariel Inton na maganda ang layunin ng RFID subalit hindi na umano ginhawa ang dulot nito sa mga dumaraan ng expressways kundi kalbaryo na lamang sa motorista.
Aniya, bukod sa hindi magamit sa ibang tollways ang RFID, kabilang din sa problemang idinudulog sa LCSP, ang late activation, ang pagkain o pagkawala ng load, hindi pagbasa ng sticker sa mga tollgate, at marami pang iba.
Dagdag pa aniya ito sa pagtitiis na susuungin dahil dadaan pa sa mahabang pila ang driver at vehicle owner bago maka-pagpakabit ng RFID.
Sinabi pa ni Inton na may babala na ang Toll Regulatory Board (TRB) na maari na silang manghuli ng mga sasakyang wala pang RFID pagsapit ng darating na Disyembre 2.
“Bago sana manghuli eh ayusin muna nila ‘yung kanilang sistema jan sa RFID na ‘yan, tuloy imbes na magdulot ng ginhawa sa paglalakbay ang RFID eh pahirap ang nararanasan ng ating mga motorista,” saad ni Inton.
Pinaalala naman nito na ang RFID sticker ay kailangan lang kapag dadaan sa tollways at kung ‘di naman dadaan sa expressways ay hindi kailangan ang RFID sticker ang sasakyan at hindi dapat hulihin pagsapit ng deadline.
“Sana bago pagdiskitahan ang walang RFID sa tollway ay ayusin muna ang concerns ng mg motorista. Isa dito ang interoperability ng mga RFID stickers, magkaibang dambuhalang negosyante ang may kontrata ng mga tollway kaya tuloy magkaiba ang stickers,” dagdag pa ni Inton.
Sa magkahiwalay namang panayam, sinabi ng isang motoristang si Archie Zapanta, ang mga pahirap na kanilang nararanasan sa pagkuha ng Autosweep RFID.
Aniya, lahat ng kukuha dapat online appointment, problema sa online appointment ang website ay nagka-crash dahil sa rami ng sumusubok mag – access sa site.
Sinabi pa nito na nagbigay sila deadline na cashless entryways na Nov. 30 subalit ang online appointment schedule ay fully booked na at sa Disyembre na ulit ang available schedules.
Ayaw rin nila maglagay ng walk in sa mga tollways na magkabit ng autosweep RFID para sana convenient sa mga motorista at walang habulan sa deadline.
Panawagan nito na sana padaliin na lang ang pagkuha ng autosweep RFID o self stick na lang sa mga autosweep para maging madali ang proseso. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.