SIXERS TUMATAG SA UNAHAN

sixers vs bulls

NAGBUHOS si Tobias Harris ng 21 points at 9 rebounds upang pangunahan ang Philadelphia 76ers sa 106-94 panalo kontra host Chicago Bulls noong Lunes ng gabi.

Umiskor si Seth Curry ng 20 points para sa Philadelphia na nanalo ng limang sunod. Pinalobo rin ng 76ers (44-21) ang kanilang kalamangan sa Eastern Conference ng isang laro laban sa Brooklyn Nets.

Nagtala si Ben Simmons ng 15 points, 6 rebounds, 5 assists at 3 steals para sa Philadelphia.

Nagdagdag si Danny Green ng 14 points at 4  steals, at nakalikom si Joel Embiid ng 13 points, 10 rebounds at 3  blocked shots para sa 76ers, na 3-0 laban sa Chicago ngayong season at nahila ang kanilang series winning streak sa pito.

Nagposte si Coby White ng  23 points at 5  assists para sa Bulls (26-39), na natalo ng apat na sunod at lima sa anim.

Nagdagdag sina Thaddeus Young ng 13 points, Daniel Theis at Denzel Valentine ng tig-11 at Tomas Satoran-sky ng 10 para sa Chicago.

Naglaro ang Bulls na wala sina standout Zach LaVine para sa ika-11 sunod na game dahil sa health and safety protocols at Nikola Vucevic (adductor) sa ikalawang sunod na pagkakataon.

WARRIORS 123,

PELICANS 108

Naitala ni Steph Curry ang kanyang NBA-best ninth 40-plus scoring game nang tumapos na may 41 points sa 123-108 panalo ng bisitang Golden State Warriors kontra New Orleans Pelicans.

Sa panalo ay lumakas ang play-in chances ng Warriors.

Gumawa si Curry ng 17 points nang madominahan ng Warriors ang first quarter at lagi siyang may sagot tuwing makakalapit ang Pelicans. Nagtala siya ng 14-of-26 field goals, kabilang ang 8-of-18 3-pointers.

Nagdagdag si Draymond Green ng 10 points, 15 assists at 13 rebounds, kumamada si Andrew Wiggins ng 26, nakakolekta si Juan Toscano-Anderson ng 14 points at nag-ambag si Jordan Poole ng 11 para sa Warriors.

Sa panalo ay nanatiling angat ang Golden State (33-32) sa 10th-place San Antonio at inilapit ang Pelicans (29-36) sa pagkakasibak, may pitong laro na lamang ang nalalabi. Maghaharap ang Warriors at  Pelicans sa rematch sa Martes ng gabi sa New Orleans.

Umiskor si Zion Williamson ng 32, kumabig si Brandon Ingram ng 19, at nagdagdag sina Naji Marshall ng 12, Eric Bledsoe ng 11 at Willy Hernangomez ng 10 para sa Pelicans.

Sa iba pang laro, naitala ni Russell Westbrook ang kanyang ika-32 triple-double sa season na may 14 points, career-high 21 rebounds at 24 assists upang pangunahan ang host Washington Wizards sa 154-141 panalo kontra Indiana Pacers.

Kunamada si Julius Randle ng 28 points, at naitala ni Derrick Rose ang walo sa kanyang season-high 25 points sa fourth quarter nang gapiin ng New York Knicks ang Memphis Grizzlies, 118-104.

Nagtala si Mo Bamba ng career highs na 22 points at 15 rebounds upang tulungan ang Orlando Magic na pataubin ang host Detroit Pistons, 119-112.

Nagsanib-puwersa sina Danilo Gallinari at Bogdan Bogdanovic sa pagkamada ng 53 points at 14 3-pointers upang pagbidahan ang  Atlanta Hawks sa 123-114  pagbasura sa Portland Trail Blazers.

3 thoughts on “SIXERS TUMATAG SA UNAHAN”

Comments are closed.