NABALOT ng makulay na fashion show at dinaluhan ng naglalakihang mga personalidad ang ginanap na pagdiriwang ng ika-60 taon ng SM, isa sa pinakamalaking retail chain sa bansa, na naging kaagapay ng pamilyang Pilipino.
Tampok sa selebrasyon ang pagrampa ng fashionable house brands ng SM kung saan ipinakita ang pinakausong trend para sa mga babae, lalaki at mga bata, na dinaluhan din ng reigning beauty queens, sa pangunguna ni Bb. Pilipinas Universe Catriona Gray.
Naghandog din ng powerful performance sina Bituin Escalante, Frenchie Dy, at Radha na agad sinundan ng makasaysayang toast bilang pasasalamat sa pagsuporta at pagtangkilik, hindi lamang sa mga SM mall kundi sa lahat ng negosyong itinataguyod ng pamilya Sy.
Ang ceremonial toast na idinaos sa SM Mall of Asia Atrium ay pinangunahan nina Teresita Sy-Coson, Vice-Chairman ng SM Investments Corporation; Elizabeth T. Sy, President ng SMX Convention Specialist Corporation; Herbert Sy, Vice Chairman ng Super Value Inc. at Super Shopping Markets Inc.; at Hans Sy, President at CEO ng SM Prime Holdings Inc. na sinaksihan ng maybahay ni G. Henry Sy, Sr. na si Gng. Felicidad Sy at top executives ng mga kompanyang itinataguyod ng pamilya Sy.
Sa ika-60 anibersaryo ng SM, asahan ang sorpresa para sa lahat ng mamimili ngayong buwan hanggang sa Oktubre sa lahat ng SM mall sa buong bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Tessie Sy – Coson, vice chairman ng SM Investments Corporation na nagpapasalamat sila sa lahat ng suportang kanilang natatanggap mula sa sambayanang Pilipino.
Ayon sa kanya, ang ika-60 anibersaryo ay hudyat din ng pagsisimula ng mas malawak pang mga programa at proyektong itataguyod ng kanilang mga kompanya.
Matatandaan na nagsimula ang SM, kilala bilang Shoemart noong taong 1958 sa simpleng tindahan sa Maynila, kung saan naniniwala si G. Henry Sy, Sr. na kung makapagbebenta siya ng isang pares ng sapatos sa bawat Pilipino ay magiging matagumpay siyang negosyante.
1960s nang magsimulang lumawak ang shoe store chain ng Shoemart sa Makati at Cubao, Quezon City, at pagpasok ng dekada 70 ay nakilala ito bilang SM department store.
Naging mabilis ang paglawak ng negosyo ng SM hanggang sa pinasok na rin nito ang supermarket at appliance business.
Taong 1985 nang buksan ang unang SM shopping center na kilala bilang SM City North EDSA. Sa gitna ng hinaharap na malaking political at economic crisis ng bansa, matagumpay nitong nakuha ang pagtangkilik ng mga Pilipino.
Sa kasalukuyan, aabot sa halos libo ang retail stores, 70 na ang SM mall sa bansa, at may pito ring mall sa China.
Sa patuloy na paglawak ng mga negosyo, ang SM ngayon ay may property arm na rin, ang SM Prime Holdings, na isa sa nangungunang developer ngayon ng residential condominiums; ang SM Hotels and Conventions naman ay namamahala ng world class hotels, state of the art arena, convention at exhibition centers, gayundin ng premier beach at mountain resorts.
Bukod dito, ang SM ngayon ay nagbibigay rin ng mas malawak na cash management services sa mga supplier at retail banking services naman sa mga kostumer sa pamamagitan ng Banco de Oro.
Kilala rin ang SM dahil sa pagtataguyod nito ng mga programang kumakalinga sa aspetong pangkalusugan, edukasyon, kalikasan at disaster risk reduction program para sa pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng SM Foundation, Inc. bukod sa pagtiyak na ang mga pasilidad ng kanilang negosyo ay tumutugon sa espesyal na pangangailangan ng mga nakatatanda at may kapansanan. MINA SATORRE
Comments are closed.