SMARTPHONE ADDICTION (Paano nga ba maiiwasan ng mga kabataan?)

smart phone

NAPAKALAKI na nga naman ng kaibahan ng mga kabataan ngayon. Kung noon, mapapansin mo silang naglalaro sa labas ng bahay kasama ang mga kaibigan at kapitbahay, ngayon ay halos hindi na sila lumalabas ng bahay at nagkukulong na lang sa kuwarto. At ang bitbit nila, smartphone o gadgets.

Saan ka nga naman mapalingon ngayon, bata man o matanda ay nahihilig sa gadget. Wala na ring pinipiling edad ang pinagagamit nito.

May mga baby pa lang na gumagamit na ng gadget. Nang minsan kasi akong magtungo sa mall at napadaan sa rest room, may Nanay na pinapalitan ng diaper ang anak niya. At para nga naman hindi magkulit, may nakaharap na cellphone sa mukha ng bata at pinanonood ito ng video na pambata.

Isa pang scenario o pangyayari sa mall, may isang batang dalawang taon pa lang yata ang nagwawala dahil ayaw paggamitin ng cellphone. Ang iba naman, kahit na nasa sasakyan ay hinahayaan ang mga anak na maglaro ng games sa phone o manood ng video.

Kung iisipin natin, napakalaki na nga naman ng porsiyento ng mga batang gumagamit ng smartphone.

Dahil nga naman sa mabilis na teknolohiya ay natutulungan ang marami sa atin upang mapadali ang pang-araw-araw na buhay. Isa na nga ang cellphone o smartphone sa nakatutulong sa marami sa atin.

Ngunit sabihin mang malaki ang naitutulong sa atin, halimbawa na lang ng cellphone, napakahalaga pa rin na limitado lamang ang paggamit natin nito, lalong-lalo na ang mga kabataan o bata. Tandaan nating lahat ng sobra o inaabuso ay nakasasama.

Bilang magulang, nararapat lamang na limitahan natin ang ating mga anak sa paggamit ng smartphone. At upang malaman kung mayroon silang smartphone addiction, narito ang ilang paraan:

*madalas na gumagamit ng phone kahit na kumakain

*mas mahaba ang oras na inilalaan sa paggamit ng phone kaysa sa pakikipag-usap sa kapwa o pakikipaglaro sa labas kasama ang kaeskuwela o kaibigan

*mas inuuna ang pagkalikot sa phone kahit na may kailangan kang tapusin o unahin gaya ng assignment, project at kung ano-ano pa

*hindi komportable kapag hindi hawak ang phone

Kapag sanay na nga naman ang isang tao o kabataan, mahihirapan talaga itong iwasan ang paggamit.

Sa ngayon nga naman kasi ay pabata na nang pabata ang gumagamit ng cellphone at gadget. Kadalasan din ay ginagawa ng mga magulang na “baby sitter” ang gadget para lang hindi mangulit ang kanilang mga anak.

Sabihin man nating nakatutulong ito, may epekto pa rin ito sa bata o kabataan. Kaya kung sa tingin mo ay adik na sa smartphone o gadget ang iyong anak o maging ikaw, narito ang ilang tips na kailangang gawin o isaalang-alang:

LIMITAHAN LANG ANG PAGPAPAGAMIT NG GADGET

Kung makalulusot nga naman ang mga bata, gagamit iyan ng gadget o cellphone hangga’t gusto nila. Pero hindi dapat masanay ang mga batang pinagbibigyan sila sa lahat ng gusto nila.

Kailangang turuan silang may oras lang ang paggamit ng gadget.

Puwedeng i-set ang alarm para kapag natapos na ang nakalaang oras sa paggamit nito, tutunog at malalaman ng anak mo na hudyat iyon para tumigil na siya sa paggamit nito.

IPIKIT ANG MATA AT HUMINGA NG MALALIM

Maaari rin namang ituro sa mga kabataan na kapag naramdaman niyang gusto niyang gumamit ng smartphone o gadget para maglaro o mag-check ng social media account, sabihan silang ipikit ang kanilang mga mata at huminga ng malalim.

Hindi lamang ito makatutulong sa mga kabataan kundi sa kahit na sino sa atin.

Kailangan kasing nakaalalay ang bawat magulang sa mga anak. Kaya makatutulong din para sumunod sila kung magiging magandang halimbawa tayo sa kanila. Iwasan din ang pagpapagamit ng smartphone sa mga bata lalo na kapag nasa harap ng pagkain.

SABIHAN ANG MGA BATANG HUWAG GAGAMIT NG GADGET SA PAMPUBLIKONG LUGAR

Napakarami na ring mga kabataan ngayon ang gumagamit ng cellphone ng walang pinipiling lugar. May ilan na habang nasa pampublikong sasakyan. Ang iba naman ay habang naglalakad.

Para maiwasan ang kahit na anong sakuna, paalalahanan ang mga bata na maging maingat sa paggamit ng cellphone at huwag ding basta-basta maglalabas nito lalo na kapag nasa pampublikong lugar o sasakyan.

PATAYIN O I-SILENT ANG PHONE BAGO MATULOG

Para rin maiwasan ng mga bata ang paggamit ng cellphone o gadgets, patayin ang mga ito bago sila matulog. O kaya i-silent nang hindi maengganyong sumilip ng cellphone o gadget sa gabi o madaling araw.

GUMAMIT NG AKTUWAL NA ALARM

Isa rin ang cellphone sa ginagamit ng marami sa ating pampagising. Dahil may alarm nga naman ang lahat ng cellphone, ito na ang ginagamit ng marami para magising sa oras na dapat silang magmulat ng mata.

At kadalasan din, sa pag-alarm ng phone ay hindi natin napipigil ang sariling i-check ang mga social media accounts. Kung minsan din, naglalaro na ang bagets. Sasabihing saglit lang naman pero sa kawilihan, kadalasan ay nagtatagal ito nang hindi natin namamalayan.

Hindi lamang naman mga kabataan ang dapat na maging matalino sa paggamit ng gadgets, kundi lahat tayo. Kasi sabi nga, lahat ng sobra ay nakasasama. At para hindi mapasama ang kahit na sino sa atin, tamang paggamit ng kahit na anong bagay ang kailangan.    CT SARIGUMBA

Comments are closed.