PUSPUSAN ang paghahanda ng San Miguel at Meralco para sa kani-kanilang kampanya sa East Asia Super League, wala nang isang buwan bago ang pagbubukas ng 2024-25 season nito sa Mall of Asia Arena.
Dumating si NBA player Quincy Miller sa Manila noong nakaraang linggo at sinamahan na ang Beermen sa ensayo kung saan posible siyang makipagtambalan kay Jordan Adams o Sheldon Mac upang tulungan ang koponan sa return bid nito sa regional cage league.
Ganito rin ang ginagawa ng Bolts kasunod ng pagdating ni Ange Kouame, na maglalaro bilang naturalized player at nakipagpartner kina resident import Allen Durham at DJ Kennedy, na minsang naglaro para sa Cleveland Cavaliers.
Kapwa bubuksan ng San Miguel at Meralco ang doubleheader tip-off sa October 2 sa magkahiwalay na laro.
Makakaharap ng Beermen, kampeon sa PBA Commissioner’s Cup, sa 6 p.m. curtain raiser (local time) ang Korea’s Suwon KT Sonicboom, runner up sa nakalipas na Korean Basketball League finals.
Sa ikalawang laro sa alas-8 ng gabi ay makakasagupa naman ng Bolts, ang reigning PBA Philippine Cup title holder, ang Macau Black Bears, ang kampeon sa Macau Basketball League.
Ang tickets para sa EASL Tip-Off, kasama ang dalawang laro, ay mabibili sa lahat ng SM ticketing channels kabilang ang https://smtickets.com/tickets/EASL2024.
Ang San Miguel ay pangungunahan ni PBA legend June Mar Fajardo, isang 10-time champion na nagwagi ng walong Most Valuable Player awards.
Si Fajardo at ang Beermen ay mapapalaban sa KT Sonicboom side na tinatampukan ni Heo Hoon, isang talented point guard na kilala sa kanyang scoring prowess at playmaking ability. Si Heo ay may average na 15.1 points, 3.6 assists, at 2.1 rebounds per game noong nakaraang KBL season.
Samantala, ang Meralco Bolts ay pamilyar na mukha sa EASL, kung saan karamihan sa key players nito ay magbabalik para sa ikalawang second season.
Si star Chris Newsome ay mahalagang bahagi ng run ng Bolts noong nakaraang season, na may averages na 16.8 points sa apat na EASL games, kabilang ang 27-point effort laban sa Ryukyu Golden Kings upang pangunahan ang Meralco sa unang panalo nito sa liga.
Ang Macau Black Bears ay galing sa record season, at pangungunahan ni point guard Jenning Leung, na bahagi na ng koponan magmula pa noong January 2018.
Ang EASL Tip-Off 2024 ang hudyat ng pagsisimula ng season na inaasahang magiging kapana-panabik, na may 34 games na nakaiskedyul sa rehiyon, at magtatapos sa EASL Final Four sa March 2025.
“Starting the season in Manila is a perfect way to showcase the passion and energy of EASL, both on the court and off it. We expect high intensity competition, with exciting entertainment and activations for fans to experience during the games. EASL Tip-Off 2024 is just the beginning of what we expect to be another amazing season of the best basketball in Asia,” wika ni EASL CEO Henry Kerins.