SMUGGLED NA BIGAS IPAMIMIGAY

Customs Commissioner Isidro Lapeña-Bigas

NAGKASUNDO ang Ka­mara at Department of Fi­nance (DOF) na ipamahagi na lamang sa mga kababayang nasalanta ng kalami­dad ang mga nakumpiskang smuggled rice.

Sa pagdinig ng Kamara, positibo ang naging tugon ng DOF sa suhestiyon na ito ni House Committee on Ways and Means Chairman Dakila Cua.

Sinabi ni DOF Usec. Karl Kendrick Chua na walang pagtutol si Finance Sec. Carlos Dominguez III na ipamigay sa mga nasalanta ng sunod-sunod na bagyo ang mga nakum­piskang bigas ng Bureau of Customs (BOC).

Ayon kay Chua, pinag-aaralan na nila ngayon kung paano ito isasagawa.

Kaugnay nito, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Usec. Florita Villar na magsusumite sila ng mga alituntunin na sinusunod ng kanilang kagawaran sa pamamahagi ng mga donasyon na bigas mula sa ­gobyerno.

Nagpadala na rin si Cua ng liham kay Customs Commissioner Isidro Lapeña para hilingin na ibigay na lamang sa DSWD ang nasabat na 50,000 smuggled na bigas.

Ipinauubaya naman ni Lapeña sa DOF at sa National Food Authority (NFA)  ang pag-apruba sa mungkahing ito ni Cua.  CONDE BATAC

Comments are closed.