NAPAKATINDI ng init ng panahon nitong mga nagdaang araw. Posibleng mas lalong tumindi pa ang init sa mga darating na araw hanggang Mayo. Maraming paaralan ang nagbalik na sa online classes upang maiwasan ng mga estudyante at guro ang sobrang init sa loob ng mga klasrum na walang air conditioning.
Delikado sa kalusugan kapag pumalo na ng 50 degrees Celsius ang temperatura. Kailangang mag-ingat ang lahat upang maiwasan ang masamang epekto nito. Narito ang ilang tips para sa publiko.
Ugaliing magbantay sa weather forecast upang makapaghanda kung sakaling may warning na ilalabas. Iwasang lumabas ng bahay sa mga oras na matindi ang init. Kung lalabas naman, magdala ng tubig na inumin, pamaypay, payong, sumbrero, tuwalya para sa pawis, at extrang t-shirt. Mas mainam na magsuot ng puti at maninipis na damit, o yaong light ang kulay. Iwasan din ang mga aktibidad na gaya ng sports, games, at iba pang outdoor activities.
Mahalagang mayroong “cooling center” ang mga barangay kung saan maaaring makapagpalamig ang mga tao kung mayroong heat wave. Mahalaga ito para sa mga matatanda, bata, may sakit, at yaong mga walang air conditioning units sa kanilang tahanan.
Maglagay ng maraming halaman sa inyong bahay, sa garahe, sa harap ng bahay, at sa iba’t-ibang lugar sa bawat komunidad. Ang tinatawag na mga green spaces ay nakakatulong para mabawasan ang labis na init ng panahon.
Higit sa lahat, napakahalaga ng pagkakaroon ng pangmatagalang solusyon para sa isyu ng climate change.
Kailangang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ito at hindi lamang pansamantalang sagot tuwing mainit lamang ang panahon. Malaki ang papel ng mga industriya, negosyo, at ng publiko—magtulong-tulong tayo upang maging maginhawa ang kinabukasan ng ating mga anak.