SOBRANG SINGIL NG GRAB IBALIK

GRAB DRIVERS

INATASAN ng Philippine Competition Commission (PCC) ang Grab na isauli ang sobra-sobrang pasahe na siningil nito mula Pebrero hanggang Mayo ng taong ito.

Nabatid na nasa P5 million ang kabuuang halaga na ipinasasauli ng PCC sa Grab sa kanilang mga rider.

Binigyan ng antitrust watchdog ang Grab ng dalawang buwan o 60 araw para tumalima sa direktiba na may petsang Nobyembre 14, 2019 para mag-refund.

Nilinaw pa ng  PCC na dapat sumunod ang Grab sa initial price at service commitments nito matapos na bilhin ang Uber noong nakaraang taon.

Noong Enero 2019 ay pinagmulta na rin ng PCC ang Grab ng ₱6.5 million dahil sa kakulangan ng isinumiteng datos para sa fare monitoring.

Noong October 2018 naman ay pinagbayad ng ₱16 million na penalty ang Grab  at Uber dahil sa paglabag sa key provisions sa merger.

Ang newly-imposed refund ay bahagi ng bagong itinakdang kondisyon ng pamahalaan sa Grab upang maprotektahan ang mga consumer dahil ang Grab ay patuloy na nagtatamasa ng ‘virtual monopoly’ sa transportation segment na ito.

Sa ikalawang sunod na taon ay isinailalim din ng PCC ang Grab sa monitoring.

Nagtakda rin ang antitrust watchdog ng monthly price caps para sa Grab services, na naglilimita sa fare surges ng 1/5 ng base fare sa panahon na mataas ang demand.

“The monthly average fare cap restricts Grab’s ability to increase prices beyond pre-transaction levels, limiting the average fare increase to 22.5% in most months,” anang PCC.

Samantala, sinabi ng Grab Philippines na babayaran nila ang refund sa mga customer at iaanunsiyo ang proseso ng pagbabayad limang araw bago maibalik ang pera sa account ng mga rider.

“The antitrust body has identified certain deviations from Grab’s voluntary commitments, and based on the recent order from the PCC, Grab will be paying a total computed amount of ₱5,050,000 to the passengers who took Grab rides from February until May 2019,” sabi pa ng kompanya. VERLIN RUIZ

Comments are closed.