SOLO LEAD TARGET NG BEERMEN

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – NorthPort vs TNT
6 p.m. – San Miguel vs Rain or Shine

SISIKAPIN ng San Miguel Beer na kunin ang ika-5 panalo at ang solong liderato sa pakikipagtipan sa Rain or Shine sa pagbabalik ng PBA Philippine Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Galing sa 111-92 pagdispatsa sa Converge noong Biyernes, June 24, sa Ynares Center, haharapin ng Beermen ang inaalat na Elasto Painters sa main game sa alas-6 ng gabi matapos ang 3 p.m. duel sa pagitan ng defending champion Talk ‘N Text at ng NorthPort.

Nangunguna sa standings ang SMB at Barangay Ginebra na kapwa may 4-1 kartada.

Target ng TNT ang ikatlong sunod na panalo matapos na magwagi sa Meralco at RoS.

Ang Tropang Giga ay may 5-2 record sa ika-4 na puwesto habang ang Batang Pier ay may 3-game losing streak makaraang simulan ang season na may dalawang sunod na panalo.

Ang tropa ni coach Pido Jarencio, na maglalaro na wala pa rin ang kanilang main frontliners na sinaTroy Rike at Jervy Cruz, ay puwersadong makabalik sa trangko, ngunit inaasahang mapapalaban nang husto sa TNT.

Liyamado ang Beermen kontra Elasto Painters na lumasap ng tatlong sunod na talo sa Barangay Ginebra, Phoenix at TNT matapos na manalo sa kanilang unang laro kontra Converge, 79-77.

Sa kabila na pinapaboran ay ayaw magkumpiyansa ni SMB coach Leo Austria at pinaalalahanan ang kanyang tropa na maglaro nang husto at huwag balewalain ang RoS na determinadong putulin ang tatlong sunod na talo at makabalik sa winner’s circle.

“I reminded the players to sharpen their offense and toughen the defense to ensure victory because our goal is to win and stay in the running,” sabi ni Austria.

Minsan lang nag-champion sa PBA ang RoS sa ilalim ni coach Yeng Guiao na kasalukuyang mentor ng NLEX Road Warriors.

Pamumunuan nina June Mar Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassiter Terrence Romeo, Chris Ross at Moala Tautuaa ang opensiba ng SMB habang sasandal si RoS coach Chris Gavina kina Rey Mambatac, Jewel Fonferrada, Beau Belga, Leonard Santillan at Norbert Torres.

– CLYDE MARIANO