SOLO LEAD TARGET NG HOTSHOTS

Mga laro ngayon:
(Ynares Arena-Pasig)
5 p.m. – Terrafirma vs NLEX
7:30 p.m. – TNT vs Magnolia

PUNTIRYA ng Magnolia ang ika-5 sunod na panalo at ang solong liderato sa pakikipagtipan sa Talk ‘N Text sa PBA On Tour ngayong Biyernes sa Ynares Center sa Pasig.

Haharapin ng Hotshots ang Tropang Giga sa main game sa alas-7:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Terrafirma at NLEX sa alas-5 ng hapon.

Kasalo ng Magnolia ang walang larong Rain or Shine sa liderato na may magkatulad na 4-0 kartada.

Liyamado ang Magnolia kontra TNT na maglalaro na hindi kumpleto ang lineup. Ang kanilang top gunners na sina Roger Pogoy, John Paul Erram at Calvin Oftana ay kabilang sa 20-man pool ng Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA World Cup na gaganapin sa August sa Araneta Coliseum at Mall of Asia Arena at ang opening ceremony ay idaraos sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Buo ang roster ng Magnolia at tiyak na sasamantalahin ng tropa ni coach Chito Victolero ang kahinaan ng depleted lineup ng TNT at ipalasap sa reigning Governors’ Cup champion ang ikatlong sunod na talo matapos yumuko sa NorthPort at Terrafirma.

Pangununahan nina Paul Lee, Marc Andy Barroca, Calvin Abueva, Jio Jalalon at Rome dela Rosa ang opensiba ng Magnolia laban sa tropa ni coach Jojo Lastimosa na sina Kib Montalbo, Glenn Khobuntin, Ryan Reyes, Dave Marcelo, Matt Ganuelas Rosser at Carl Bryan Cruz.

Maghihiwalay naman ng landas ang NLEX at Terrafirma na kapwa may 1-3 kartada.

-CLYDE MARIANO