Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
8 a.m. – UE vs FEU (Men)
10 a.m. – DLSU vs UST (Men)
2 p.m. – UE vs FEU (Women)
4 p.m. – DLSU vs UST (Women)
SISIKAPIN ng De La Salle na makabalik sa winning track sa pagsagupa sa University of Santo Tomas sa UAAP women’s volleyball tour-nament ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Umaasa ang Lady Spikers na makakalas sa ‘three-way tie’ sa liderato sa kanilang 4 p.m. duel ng Tigresses.
Ang De La Salle ay kasalukuyang tabla sa UP at Ateneo para sa best record sa liga sa 3-1.
Magsasagupa ang Far Eastern University, tangan ang 2-2 record, kasama ang UST sa ika-4 na puwesto, at ang University of the East sa curtain raiser sa alas-2 ng hapon.
Ipinalasap ng UP sa De La Salle ang unang talo nito sa season sa pamamagitan ng 21-25, 25-20, 25-21, 20-25, 15-12 panalo noong Sabado.
Para kay 11-time champion coach Ramil de Jesus, sadyang mahirap talunin ang Lady Maroons.
“Wala, puro motivation lang kasi first time namin naka-encounter ng sobrang hirap talunin eh,” wika ni De Jesus. “Mas gusto ng kalaban na manalo kaya sabi ko sa kanila, ‘yun ang naging factor, mas gusto nilang manalo.”
Hindi makapaglalaro para sa Tigresses si Milena Alessandrini, na mawawala ng dalawang linggo dahil sa ACL tear sa kanyang kaliwang tuhod.
Sa pagkawala ni Alessandrini ay mahihirapan ang UST na manatili sa top four range.
“Move forward na kami,” wika ni Tigresses mentor Kungfu Reyes. “Worst lang, talagang mag-iiba ang rotation namin kung mawawala ‘yung Mile-na, so kailangang mag-step up ng ibang bata at saka ng ibang seniors.”
Ang offensive burden ng UST ay nasa mga balikat ngayon ng veteran-rookie duo nina Sisi Rondina at Eya Laure.
Umaasa naman ang Lady Tamaraws na maiposte ang kanilang unang winning streak sa season, habang sisikapin ng Lady Warriors na makabawi mula sa 15-25, 21-25, 16-21 pagkatalo sa Lady Eagles noong Linggo.
Sa men’s division, target ng FEU ang kanilang ika-5 sunod na panalo laban sa UE sa alas-8 ng umaga, habang makakasagupa ng UST ang De La Salle sa alas-10 ng umaga.
Comments are closed.