INILABAS ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang initial list ng Gilas Pilipinas players para sa 5th window ng 2023 FIBA Basketball World Cup Asian qualifiers.
Pinangungunahan ni Kai Sotto, kasalukuyang naglalaro para sa Adelaide 36ers sa National Basketball League (NBL) sa Australia, ang 20-man pool kasama si six-time PBA Most Valuable Player (MVP) June Mar Fajardo.
Hindi liliban si 7-foot-3 Sotto sa mga laro ng 36ers dahil magpapahinga ang NBL para magbigay-daan sa darating na FIBA World Cup window.
Makakasama nina Sotto at Fajardo sina Japan B.League players Kiefer at Thirdy Ravena, Dwight Ramos, at Ray Parks, UAAP stars Carl Tamayo, Angelo Kouame, at Kevin Quiambao, at teen cager LeBron Lopez.
Ang iba pang bumubuo sa pool ay sina reigning PBA MVP Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Jamie Malonzo, CJ Perez, RR Pogoy, Calvin Oftana, Poy Erram, William Navarro, Arvin Tolentino, at Chris Newsome.
Hindi pa tiyak ang kalagayan nina Fajardo at Newsome dahil nagpapagaling pa sila mula sa throat at calf injury, ayon sa pagkakasunod.
Magpapahinga rin ang UAAP at Japan B.League sa 5th window, habang ang PBA ay walang nakatakdang laro para sa mga nasa Gilas lineup.
Ang Pilipinas ay may 3-3 record sa FIBA World Cup qualifiers.
Makakasagupa ng Gilas ang Jordan sa Nov. 11 sa Amman, pagkatapos ay makakaharap ang Saudi Arabia sa Nov. 14 sa Jeddah.