PORMAL nang umupo si Senador Vicente “Tito” Sotto III bilang bagong Senate President kapalit ni Senate President Koko Pimentel.
Mismong si Pimentel ang nag-nominate kay Sotto na pumalit bilang bagong pinuno ng Senado.
Bago pa man ang palitan sa pagitan nina Sotto at Pimentel ay isang resolusyon ang nilagdaan ng 15 senador para sa pagbabago ng liderato sa Senado.
Gayunpaman, nagpasalamat si Pimentel sa mga kapwa senador na nagtiwala sa kanya bilang Senate President.
Si Pimentel ay naluklok bilang pang-28 Senate President noong Hulyo 2016.
Tuluyan na rin in-adopt ng Senado ang naturang resolusyong may lagda ng mayorya para sa pagluklok kay Sotto bilang bagong Senate President.
Kabilang sa mga dumalo sa session at hindi tumutol sa nominasyon ni Sotto bilang bagong Senate President ay sina Senator Cynthia Villar, Nancy Binay, Grace Poe, Loren Legarda, Manny Pacquiao, Gringo Honasan, Panfilo Lacson, Richard Gordon, Juan Miguel Zubiri, Ralph Recto, JV Ejercito, Joel Villanueva at Chiz Escudero.
Wala naman si Senador Sonny Angara na isa sa lumagda sa resolusyon dahil sa pagluluksa sa yumaong amang si Senador Edgardo Angara at hindi naman nakadalo sa sesyon si Senador Win Gatchalian.
Wala rin ni-nominate ang minorya sa Senado para magkaroon ng kalaban si Sotto.
Subalit, sa kabila nito ay tumayo si Senate Minority Leader Franklin Drilon upang ihayag sa sesyon na hindi nila sinasang-ayunan ang anumang palitan ng liderato ng Senado kaya’t abstain ang kanilang boto sa mayorya.
Paliwanag ni Drilon na kung sila ay sasang-ayon o susuporta kay Sotto ay awtomatikong walang minorya kaya ipauubaya na nila ang lahat ng desisyon sa mayorya.
Kabilang sa minorya ay sina Senator Bam Aquino, Antonio Trillanes IV, Kiko Pangilinan, Leila De Lima at Riza Hontiveros.
Nahalal naman si Zubiri na kapalit ni Sotto bilang Senate majority leader at chairman ng senate committee on rules.
Matapos na manumpa sina Sotto at Zubiri sa kanilang mga bagong puwesto ay agad na nagpasalamat at tinanggap ang kanilang bagong hamon. VICKY CERVALES
Comments are closed.