SOTTO SUMALANG NA SA NBA SUMMER LEAGUE DEBUT

NAKAPAGLARO na rin si Kai Sotto sa NBA Summer League sa 88-71 pagkatalo ng Orlando Magic sa Portland Trail Blazers nitong Bi- yernes (Manila time) sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas.

Ang 7-foot-3 Filipino center ay nakakolekta ng 6 points, 4 rebounds, 3 blocks, at 1 assist. Bumuslo siya ng 3-for-7 (42.9-percent) mula sa field at nagtala ng 2 turn-over.

Si Sotto ay ipinasok sa second period at nagawang kumalawit ng 2 rebounds at 1 block bago inilabas sa 4:23 mark ng parehong quarter.

Ibinalik siya sa third quarter at naipasok ang kanyang unang basket, isang putback na tumapyas sa deficit ng Magic sa 67-46.

Nagsalpak si Sotto ng dalawa pang field goals at sinupalpal ang dalawang tira sa fourth quarter, bagama’t kontrolado na ng Blazers ang laro.

Ang kanyang paglalaro ay matagal nang inaabangan dahil ibinangko siya sa unang tatlong laro ng Magic sa Summer League.

Si Sotto ay hindi ipinasok sa 89-78 loss sa Detroit Pistons, sa 108-85 defeat sa Indiana Pacers, at sa dikit na 82-80 pagkatalo sa overtime sa New York Knicks.

Muli siyang pumirma ng kontrata sa Hiroshima Dragonflies para sa 2023-2024 Japan B. League season, subalit may opsyon na pumirma sa isang NBA team ngayong summer.