BIBIGYANG pugay ng PBA ang top performers ng nag-iisang conference ng 45th Season —ang Philippine Cup sa pag-daraos nito ng kauna-unahang virtual Special Awards Night sa Linggo.
Ito ay magiging isang simple, hour-long program na ibang-iba sa makulay at glamorosong annual Leo Awards.
Gayunman, ang event na ipalalabas nang live mula sa TV 5 studio sa Mandaluyong City simula sa alas-6 ng gabi ay magsisilbi pa ring pamamaraan ng liga para kilalanin ang mga player na pinaka-nagningning sa two-month bubble sa Clark, Pampanga.
Sa pag-obserba sa health and safety protocols dahil sa COVID-19 pandemic, ilang miyembro lamang ng PBA Board ang dadalo sa studio, sa pangunguna ni Chairman Ricky Vargas, na sasamahan din ni Commissioner Willie Marcial.
Ang lahat ng kandidato at eventual winners sa limang kategoryang pinaglalabanan ay ipiprisinta sa pamamagitan ng video call.
“Kailangan nating bigyan ng parangal at pasalamatan lahat ng mga players, may award man o wala, para makita naman nila yung sakripisyo at hirap na ginawa nila noong nakaraang Philippine Cup bubble,” sabi ni Marcial.
Ang Best Player of the Conference (BPC) honor ang magsisilbing highlight ng okasyon.
Naglalaban-laban para sa BPC award sina Barangay Ginebra’s Stanley Pringle, Matthew Wright at Calvin Abueva ng Phoenix, TnT duo nina Roger Pogoy at Ray Parks Jr., at Terrafirma’s CJ Perez.
Samantala, contenders naman para sa Outstanding Rookie award sina Aaron Black ng Meralco, Barangay Ginebra’s Arvin Tolentino, Barkley Ebona ng Alaska, Magnolia’s Aris Dionisio, at Roosevelt Adams ng Terrafirma.
Sa inaasahang mahigpit na labanan para sa Most Improved Player award, ang mga kandidato ay kinabibilangan nina Justin Chua ng Phoenix, Jason Perkins ng Phoenix, Prince Caperal ng Barangay Ginebra, Reynel Hugnatan ng Meralco, Raul Soyud ng NLEX, at Javee Mocon ng Rain or Shine.
Ang Samboy Lim Sportsmanship award ay pag-aagawan naman nina Scottie Thompson ng Barangay Ginebra, Rain or Shine’s Gabe Norwood, Kevin Alas ng NLEX, CJ Perez ng Terrafirma, at Phoenix’s Calvin Abueva.
Igagawad din ang Outstanding/Elite Five award. CLYDE MARIANO
Comments are closed.