SPIKERS’ TURF: CIGNAL SASALO SA NO. 1

choco much

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
3 p.m. – Air Force vs VNS
5:30 p.m. – PGJC-Navy vs Cignal

HINDI lamang ang makasalo ang D’Navigators sa liderato ang puntirya ng Cignal kundi ang makaganti rin sa isang familiar foe sa pagharap ng HD Spikers sa PGJC-Navy Sea Lions sa Spikers’ Turf Open Conference ngayon sa Paco Arena.

“We are very much excited na makalaban ulit ang Navy dahil every conference, every league natatalo nila kami. Last Spikers’ Turf, tinalo nila kami sa elims, sa PNVF Champions League tinalo din nila kami,” sabi ni Cignal coach Dexter Clamor.

Sasalang ang HD Spikers sa kanilang 5:30 p.m. clash na handang bumawi laban sa Sea Lions, na tinalo sila sa 2022 Open Conference at 2022 PNVF Champions League.

Pinutol ng Navy ang 16-game win run ng Cignal sa Spikers’ Turf sa 20-25, 25-19, 25-22, 25-23 panalo, habang nagtala rin ng kaparehong four-set stunner sa PNVF tournament, 18-25, 26-24, 25-23, 25-21.

Subalit ang isang bagay na maaaring makaapekto sa Sea Lions ay nasa HD Spikers na si EJ Casaña, na gumanap ng mahalagang papel sa naturang reversals.

Gayunman, si dating Cignal playmaker Owen Suarez ang primary setter ngayon ng Navy.

Samantala, target ng VNS na sumakay sa kanilang morale-boosting five-set escape kontra National University-Archipelago Builders sa pagharap sa Air Force sa 3 p.m. opener.

Bagaman nangunguna sila sa digging department, ang Griffins ay umaasa na mapalakas ang kanilang opensa dahil kasalukuyan silang kulelat sa spiking category.

“Mahirap talaga kasi mahina kami sa attacks pero number one kami sa digs so ang pinaka-goal lang talaga is maconvert namin lahat ng nadi-dig namin to attacks,” pahayag ni VNS coach Ralph Ocampo, na ang tropa ay kasalukuyang tabla sa Army sa 2-2 sa fifth spot.