HUMATAW si Bryan Bagunas ng 27 points upang pangunahan ang Cignal sa 5-set win laban sa Criss Cross. SPIKERS’ TURF PHOTO
Mga laro bukas:
(Ynares Sports Arena)
4 p.m. – Savouge vs RichMarc
6 p.m. – Cignal vs D’Navigators
DINAIG ni Bryan Bagunas si long-time rival Marck Espejo upang pangunahan ang paghahabol ng Cignal at maiposte ang makapigil-hiningang 20-25, 25-15, 23-25, 25-23, 15-12 panalo laban sa Criss Cross sa Spikers’ Turf Open Conference sa harap ng malaking crowd noong Linggo sa Philsports Arena.
Sa match-up na maaaring magsindi sa unang malaking rivalry ng men’s league sa pagitan ng HD Spikers at ng King Crunchers, ipinamalas ni Bagunas ang kanyang husay, dinaig si Espejo sa final set, sa pagkamada ng limang krusyal na puntos sa kanyang kabuuang iskor na 27.
Ang kanyang powerful attacks ay hindi kinaya ng Criss Cross kung saan ang tatlong sunod niyang atake ay naglagay sa Cignal sa match point.
“Ako bilang bago sa team, gusto ko naman talagang makatulong sa team. Nangibabaw ‘yung mentality ko na makatulong sa team,” sabi ni Bagunas, na kumana ng 26-of-36 kills.
Galing sa magkasunod na title runs sa Taiwan, nagpasalamat din si Bagunas sa nag-uumapaw na suporta ng fans.
Nagtala si Jau Umandal ng 20 points sa 19-of-42 attacks, habang nag-ambag si Wendel Miguel ng 10 points, kabilang ang 3 blocks.
Nahila ng HD Spikers ang kanilang perfect run sa limang laro, habang ipinalasap sa King Crunchers ang kanilang unang kabiguan matapos ang apat na sunod na panalo, na nagresulta sa pagtatabla sa D’Navigators sa third spot.
Umangat ang PGJC-Navy sa second spot makaraang magwagi ng limang sunod matapos ang conference opening loss sa Cignal.
Tumapos si Espejo na may 19 points, kabilang ang 3 blocks, upang suportahan si Jude Garcia, na nanguna para sa Criss Cross na may 20 points at 21 receptions.