Mga laro bukas
(Paco Arena)
4 p.m. – D’Navigators vs RichMarc
6 p.m. – VNS vs Cignal
NAKOPO ng Criss Cross ang ikalawang semifinal ticket sa Spikers’ Turf Open Conference kasunod ng 25-17, 25-16, 25-15 pagdispatsa sa Air Force noong Linggo ng gabi sa Ynares Sports Arena.
Ang ikalawang sunod na panalo ng King Crunchers ay nagbigay sa kanila ng 6-1 record, at sinamahan ang nag-iisang tormentor Cignal sa round-robin semifinals.
Ang PGJC-Navy, D’Navigators, at Savouge ay nag-aagawan sa huling dalawang semis spots.
“Looking forward kami sa lahat ng teams na makakapasok, hindi lang naman sa Cignal. Ganoon pa rin ‘yung mindset namin, wala kaming expectations sa sarili namin, bagong team kami na walang pressure, pero pipilitin pa rin namin maging magaling na team at maging buo pa,” sabi ni Criss Cross captain Ysay Marasigan, na nag-ambag ng 12 points sa 10-of-16 spikes.
Nagtala rin si Jude Garcia ng 12 points na may 9-of-15 attacks, 2 blocks at isang service ace, na sinamahan ng 5 digs sa one hour and 13 minutes victory.
Nag-ambag sina Chu Njigha at Pemie Bagalay, na ipinasok sa starting lineup, ng 9 at 7 points, ayon sa pagkakasunod. Nagtala rin si Bagalay, isang dating beach volleyball standout, ng 6 receptions.
Ito ang unang pagkakataon na naglaro ang Airmen na may kumpletong lineup ngayong conference, sa pagdating nina Ranran Abdilla at James Buytrago, na kapwa lumahok sa FIVB Volleyball World Beach Pro Tour Futures na idinaos sa Nuvali, Laguna.
Gayunman ay hindi nito napigilan ang Air Force sa paglasap ng ika-6 na sunod na kabiguan matapos ang opening day victory kontra RichMarc.
Sina Abdilla at Bryan Jaleco ay kapwa nagtala ng 8 points para sa Airmen. Nagposte rin si Abdilla ng 12 receptions at 4 digs.
Tatapusin ng dalawang koponan ang kani-kanilang elimination round schedules sa triple-header sa Biyernes sa parehong Pasig venue.
Haharapin ng King Crunchers ang Spin Doctors sa 6 p.m.mainer, habang sasagupain ng Air Force ang VNS-Nasty sa alas- 4 ng hapon.