Mga laro bukas:
(Rizal Memorial Coliseum)
4 p.m. – D’Navigators vs Cignal
6 p.m. – Criss Cross vs PGJC-Navy
GINULANTANG ng D’Navigators ng Iloilo ang Criss Cross, 16-25, 27-25, 25-21, 25-17, para sa winning start sa Spikers’ Turf Open Conference semifinals kagabi sa Rizal Memorial Coliseum.
Laban sa isa sa preseason favorites, si D’Navigators coach Boyet Delmoro ay nasiyahan sa ipinakita ng kanyang tropa sa semifinals opener.
“Pinaghandaan talaga namin sila, pinaghandaan talaga namin sila. Sabi ko, sa amin walang mawawala, pero sa kanila maraming mawawala. Siguro na-challenge ‘yung mga players ko saka nag-usap kami kung anong plano talaga. Sa awa ng Diyos lumabas naman. ‘Yung intensity para manalo nandoon, confident talaga sila,” sabi ni Delmoro.
Susunod na makakaharap ng D’Navigators ang traditional powerhouse Cignal bukas ng alas-4 ng hapon.
“Malaking bagay ito kasi tumaas yung morale eh, mataas ng morale ng team so magtatrabaho nang magtatrabaho iyan,” ani Delmoro.
Napanatili ni Francis Saura ang kanyang stellar play para sa D’Navigators na may 20-of-41 attacks, nagpakawala si Edward Camposano ng 12 kills habang nagdagdag si Toto de Pedro ng 10 points.
Gumawa si Kim Dayandante para sa D’Navigators ng 16 excellent sets at naitala ang tatlo sa kanyang limang puntos mula sa service aces.
Nanguna si Marck Espejo, na pumasok sa second set bilang substitute, para sa Criss Cross na may 15 points, kabilang ang 2 service aces, habang nagdagdag si Jude Garcia ng 13 points, kabilang ang 2 blocks at 2 service aces para sa King Crunchers.
Humataw si Chum Njigha ng 4 blocks para sa 12-point outing para sa Criss Cross, na nahaharap sa must-win situation versus PGJC-Navy bukas.