Laro bukas:
(Paco Arena)
2:30 p.m. – Cignal vs Army
5:30 p.m. – Sta. Elena-NU vs VNS
SINIMULAN ng NU-Sta. Elena ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 20-25, 25-20, 25-16, 25-12 panalo laban sa Army-Katinko sa Spikers’ Turf Open Conference kahapon sa Paco Arena.
Nalusutan ng Nationals, kinakatawan ang reigning UAAP champion Bulldogs, ang opening set loss kung saan pinangunahan nina open spiker Nico Almendras at Congolese middle blocker Obed Mukaba ang atake sa sumunod na tatlong sets.
Nagtala si Almendras ng 18 points, kabilang ang 2 service aces, at 12 receptions, habang hataw ang 6-foot-6 na si Mukaba ng 6 blocks para sa 13-point outing para sa NU-Sta. Elena.
Ikinatuwa ni Nationals coach Dante Alinsunurin, ginabayan ang bansa sa makasaysayang silver medal sa 30th Southeast Asian Games noong 2019, ang pagbabalik ng domestic men’s volleyball league matapos ang matagal na pahinga.
“Sobrang happy kasi alam mo naman na nasa national team ako. Kailangan sa men’s team na may liga na ganito na every month or quarterly may ganito para mas tumaas ang level ng men’s team,. Sana magtuloy-tuloy na ang liga,” sabi ni Alinsunurin.
Kabado sa kanyang unang laro para sa NU-Sta. Elena, natuwa si Mukaba sa suporta ng Filipino fans na nag-cheer sa kanyang plays sa gitna.
“I’m very happy. In my country, it’s not like this,” ani Mukaba.
Batid ni Alinsununrin ang kakayahan ni Mukaba para tugunan ang kanilang gaps sa gitna.
“Siyempre, bata pa naman siya. Sa sitwasyon namin, kinuha namin siya. Nakita mo naman ‘yung potensiyal niya as a volleyball player. Sobrang eager na matuto lagi,” ani Alinsunurin.
Naging solido rin si Josh Retamar para sa Nationals na may18 excellent receptions at 9 digs.
Tumipa si PJ Rojas ng 11 points at 5 receptions habang kumana si John Daniel Diwa ng 2 blocks para sa 10-point outing para sa Troopers.