Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
3 p.m. – Vanguard vs Cignal
5:30 p.m. – VNS vs Imus
UMAASA ang Cignal na mahila ang kanilang unbeaten run sa pitong laro sa pagsagupa sa inaalat na Vanguard sa Spikers’ Turf Open Conference ngayon sa Paco Arena.
Nais ni coach Dexter Clamor na manatiling gutom ang kanyang HD Spikers sa kanilang paghahanda para sa mga susunod nilang laban matapos ang 3 p.m.clash sa Volley Hitters.
“Sinasabi ko lang sa team na huwag magsasawa kasi ang hirap eh lalo nasa taas kami. There’s no way to go up pa but to maintain our standing,” sabi ni Clamor, na ang koponan ay hindi pa natatalo sa set sa torneo.
“Lahat naman kasi nagsisimula sa preparation. Nag-prepare lang din kami for this game kasi until now may mga pinopolish pa rin kaming lapses namin during games,” dagdag pa niya.
Matapos ang Vanguard, ang susunod nilang makakabangga ay ang undefeated teams – AMC Cotabato sa March 5 at Iloilo’s D’Navigators sa March 10.
Si JP Bugaoan, kasalukuyang No. 8 sa scoring, ay solid ngayong season para sa HD Spikers, na binalasa ang kanilang rotation.
Sisikapin naman ng Imus-Ivy Tuason Photography na mapahigpit ang kapit sa fourth slot sa pagharap sa VNS sa alas-5:30 ng hapon.
Ang AJAA Spikers, pinangungunahan nina Ridz Muhali at Hero Austria, ay nanalo sa kanilang huling tatlong laro at 5-1 overall, habang tangan ng Griffins ang 3-3 kartada.
Ipaparada ng VNS, kasalukuyang tabla sa PGJC-Navy sa fifth spot, si dating NCAA beach volleyball MVP Peejay Cuzon, na muling makakasama ang kanyang college teammate na si Pemie Bagalay.