SPIKERS’ TURF SEMIS SIMULA NA

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
2:30 p.m. – PGJC-Navy vs VNS
5:30 p.m. – Cignal vs NU-Sta. Elena

MAGHAHARAP ang defending champion Cignal at ang dating walang talong NU-Sta. Elena sa ikalawang pagkakataon sa loob ng tatlong araw, habang magsasalpukan ang PGJC-Navy at ang VNS-One Alicia sa pares ng eksplosibong laro sa pagsisimula ng Spikers’ Turf Open Conference semifinals ngayon sa Paco Arena.

Winalis ng HD Spikers ang Nationals, 25-22, 25-22, 25-22, sa pagtatapos ng preliminaries noong Martes sa larong walang nakataya kundi ang rankings.

“It’s non-bearing but it’s a big psychological win. May gigil or takot factor na since natalo namin sila,” sabi ni Cignal main man Marck Espejo, na kumana ng solid 17-of-30 attacks, na sinamahan ng 19 receptions at 5 digs sa panalo.

Ngunit iginiit ng Japan V. League veteran na marami pang pagbabago na dapat gawin ang HD Spikers dahil inaasahan nila ang pagresbak ng UAAP powerhouse.

“We’re not going to relax,” dagdag ni Espejo, patungkol sa kanilang performance sa third set na maaga nilang dinomina ngunit bumagal sa kalagitnaan para makahabol ang Nationals.

Gayunman, tulad sa unang dalawang sets, naging mas matatag ang Cignal sa huli upang tumapos sa No. 2 sa likod ng Navy sa pagtatapos ng elims habang nagkasya ang NU sa No. 3. Ang tatlo ay pawang tumapos na may 5-1 kartada.

Nakatakda ang salpukan ng HD Cignals at Nationals sa alas-5:30 ng hapon, habang magsasagupa ang Sea Lions at Griffins sa unang laro sa alas-2:30 ng hapon.

Ang nag-iisang talo ng PGJC-Navy ay laban sa NU, habang natalo ang VNS sa lahat ng tatlong laro nito kontra mga kapwa semifinalist.