NAISALPAK ng Golden State Warriors ang 24 sa 25 shots sa second at third quarters nang tambakan ang kulang sa taong San Antonio Spurs, 141-102, noong Miyerkoles ng gabi.
Nakaharap ang koponan na naglimita sa kanila sa 92 points noong Nobyembre, ang Warriors ay abante lamang sa 49-45 sa huling bahagi ng sec-ond period bago tinapos ang half 7-for-7, at pinalobo ang kalamangan sa 66-52 sa halftime.
Nagbuhos si Thompson ng 26 points at nagdagdag si Kevin Durant ng 23 para sa Warriors, na nagwagi sa ika-13 pagkakataon sa kanilang huling 14 games.
Gumawa si Stephen Curry ng 19 points, at nag-ambag sina DeMarcus Cousins ng 15, Andre Iguodala ng 11 at Kevon Looney ng 10 para sa Golden State, na nakalikom ng 42 assists, ang pinakamarami ng Warriors ngayong season.
Bumuslo ang Golden State ng 57.9 percent para sa laro at 16 of 34 sa 3-pointers.
Kumana naman si Patty Mills ng apat na 3-pointers upang pangunahan ang Spurs na may 16 points.
Nagdagdag si Rudy Gay ng 15 points, tumipa si Davis Bertans ng 12, nagtala si Dante Cunningham ng 11 at umiskor si Bryn Forbes ng 10 para sa San Antonio.
MAVS 99, HORNETS 93
Naitala ni runaway rookie of the year favorite Luka Doncic ang ikatlong triple-double ng kanyang career at nalusutan ang poor shooting upang makabawi sa huli sa panalo laban sa bumibisitang Charlotte Hornets.
Tumapos ang 19-year-old Slovenian na may team-high 19 points sa 5 of 20 shooting – 2 lamang mula sa 3-point area – 11 assists at 10 rebounds.
Comments are closed.