SPURS NATAKASAN ANG RAPTORS

NAGBUHOS si DeMar DeRozan ng 27 points, kabilang ang isang krusyal na 3-pointer sa final minute, nang malusutan ng San Antonio Spurs ang bisitang Toronto Raptors, 119-114, kahapon sa Alamo City.
Abante ang Raptors sa 114-110 matapos ang 26-foot 3-pointer ni Fred VanVleet, may 2:07 sa orasan, subalit nakahabol ang San Antonio sa 3-pointer ni DeRozan at putback layup ni LaMarcus Aldridge, may 29.9 segundo sa orasan kasunod ng tatlong offensive rebounds ng Spurs.

Dalawang free throws ni Rudy Gay, may 12 segundo ang nalalabi, ang nagpalobo sa kalamangan. Matapos ang timeout at sablay na 3-pointer ni VanVleet ay sinelyuhan ni Keldon Johnson ang panalo ng San Antonio sa pares ng free throws, may 1.1 segundo ang nalalabi.

Nagdagdag si Patty Mills ng 21 points mula sa bench para sa Spurs (2-0), habang umiskor sina Lonnie Walker IV ng 14, Johnson at Aldridge ng tig-12, at nakalikom si Dejounte Murray ng triple-double na may 11 points, 10 rebounds at 10 assists.

Nanguna para sa Raptors (0-2) si VanVleet na may 27 points. Nagdagdag si Chris Boucher ng 22 points mula sa bench, kumana si Pascal Siakam ng double-double na may 16 points at 15 rebounds, gayundin si Kyle Lowry na may 16 points at 10 assists. Umiskor sina Aron Baynes ng 13 points at OG Anunoby ng 10 para sa Toronto.

76ERS 109,
KNICKS 89

Kumamada si Joel Embiid ng game-high 27 points at naipasok ang go-ahead traditional three-point play upang tampukan ang game-turning, 14-point second-quarter run nang gapiin ng bisitang Philadelphia 76ers ang New York Knicks.

Sinindihan ni Embiid ang 14-0 run sa pamamagitan ng isang free throw at umiskor ng 6 points sa surge.

Kumalawit din si Embiid ng 10 rebounds at naitala ng 76ers ang ikalawang sunod na panalo sa pagsisimula ng season. Gumawa sina Seth Curry at Tobias Harris ng tig-17 points habang nagdagdag si Ben Simmons ng 15 points at 9 rebounds.

Nagbuhos si Julius Randle ng 25 points para sa Knicks, na natalo sa kanilang unang dalawang laro sa season. Nagposte si Alec Burks ng 22 points mula sa bench habang nakakolekta si Mitchell Robinson ng 11 points at 9 rebounds at umiskor si RJ Barrett ng 10 points.

PACERS 125,
BULLS 106

Tumabo si Domantas Sabonis ng 22 points, 10 rebounds at 11 assists nang dispatsahin ng Indiana Pacers ang Chicago Bulls.

Nagdagdag si T.J. Warren ng 23 points at nakalikom si Victor Oladipo ng 22 para sa Pacers na naiposte ang ika-10 sunod na panalo kontra Bulls magmula pa noong 2018-19 season at nanalo ng limang sunod sa Chicago.

Kumarera ang Pacers sa 21-0 run sa second quarter at sa 18-0 sa pagsisimula ng second half.
Umiskor si Zach LaVine ng 17 points at nag-ambag si Lauri Markkanen ng 16 points at 9 rebounds para sa Bulls.

T’WOLVES 116,
JAZZ 111

Nagpasabog si D’Angelo Russell ng 25 points, kabilang ang tatlong key free throws sa final seconds upang pangunahan ang bisitang Minnesota Timberwolves sa panalo kontra Utah Jazz.

Tumipa sina Malik Beasley at rookie Anthony Edwards ng tig-18 points habang nag-ambag si Karl-Anthony Towns ng 16 points, 12 rebounds at 4 blocked shots para sa Minnesota na nanalo sa kanilang unang road game makaraang buksan ang season sa pamamagitan ng home win laban sa Detroit.

Nanguna si Jordan Clarkson para sa Utah na may 23 points, ngunit bumuslo lamang ang Jazz ng 38.3 percent at naapektuhan ng masamang shooting nina Donovan Mitchell at Bojan Bogdanovic.

Sa iba pang laro, nadominahan ng Orlando Magic ang Washington Wizards, 130-120; ginapi ng Oklahoma City Thunder ang Charlotte Hornets, 109-107, at pinulbos ng Cleveland Cavaliers ang Detroit Pistons, 128-119.

Comments are closed.