WALANG magawa ang mga lokal na opisyal ng San Mateo sa lalawigan ng Rizal habang namumutiktik ang pagla-land-grab ng mga lupa ng mga hinihinalang professional squatters.
Sa Barangay Silangan, gabundok na ang tinatanggap na mga reklamo ng nasabing barangay sa umano’y pagtatayo ng mga bahay sa mga lupang may nagmamay-ari ng iba.
Wala namang magawa ang barangay na mapahinto ang trending na ito sa kanilang lugar samantalang animo’y mga langgam na sa rami ang sumusugod sa nasabing barangay upang tayuan ng mga bahay ang mga lupang naroroon kahit pa nga may mga bakod ang mga ito.
“Napakalalakas ng loob, ang itinatayong mga bahay ay yari pa sa semento,” sabi ng isang residente, “mga sanay, mukhang mga professional talaga.”
Nalalaman naman natin na para magpaalis ng iskwater ay gagastos nang napakalaki sa pagkakaso pa lamang at kahit pa nga manalo sa kaso matapos ang ilang taon o ilang dekada, ang may-ari pa ng lupa ang magbabayad sa mga naturang mga iskwater.
Pati mga pulis ay walang magawa sa sindikatong kumokopo ng mga lupain sa San Mateo, mistulang pinapanood na lamang nila at ng mga opisyal ng barangay ang pagtatayo ng mga kabahayan kahit pa nga mga walang building permit.
“Mistulang wala nang pamahalaan sa San Mateo, inuubos na ang mga lupa rito ng mga iskwater, e wala namang magawa ang mga may-ari dahil kapag nagreklamo sila sa barangay at maging sa munisipyo ay walang magawang pagkilos ang mga ito, panonoorin lamang ang mga nagtatayo ng mga bahay,” pahayag pa ng isang residente.
Sa ganitong mga pangyayari at trend sa bansa, nawawalan na ng integridad ang mga titulo ng lupa at maging ang mga kasunduan sa pagitan ng National Home Mortgage Finance Corporation at mga nakakapagbayad na nangangarap magkaroon ng sariling lupa dahil sa isang iglap lamang ay tatayuan ng mga bahay ng mga iskwater.
Ano ng aba ito? Wild, wild west na ba sa San Mateo?
Comments are closed.