SQUIRES-GREENIES TITLE DUEL SIMULA NA

Laro ngayon:
(San Andres Sports Complex)
2:30 p.m. – Letran vs LSGH

SISIMULAN ng Letran at CSB-La Salle Green Hills ang kanilang best-of-three championship series sa NCAA juniors basketball tournament ngayon sa San Andres Sports Complex.

Nasa kanilang unang Finals appearance magmula noong 2009, tinalo ng Squires ang Greenies, 79-73, sa elimination round.

Umaasang mawawakasan ang 22-year title drought, ang Letran ay naghahanda para sa matinding series sa LSGH, na target ang kanilang unang korona magmula noong 2017, sa Game 1 na nakatakda sa alas-2:30 ng hapon.

“Ang sabi ko nga sa kanila, the last championship ng Letran is 2001 with JC Intal, Jay-R Reyes, RJ Jazul. So it’s about time to make another history, kasi nandyan na e, may piyesa na tayo,” wika ni first-year Squires coach Allen Ricardo.

Habang ang top-ranked Squires ay natalo lamang ng isang beses sa torneo, ang Greenies ay naharap sa matinding hamon para makausad sa finals sa unang pagkakataon magmula noong 2018.

Sinimulan ang season na may back-to-back defeats, ang LSGH ay bumanat ng five-game winning run at nagkasya bilang No. 3 team sa Final Four makaraang matalo sa San Beda sa playoff.

Tinalo ng Greenies ang Red Cubs ng dalawang beses upang umabante sa title round.

Pinangunahan ni Andy Gemao ang backcourt ng Letran, habang trumangko sina Jonathan Manalili at George Diamante sa gitna.

Maaari ring ibigay nina Emman Anabo, June Silorio at Jovel Baliling ang kinakailangang suporta para sa Squires.

Ang LSGH ay may solid core sa likod nina Luis Pablo at Seven Gagate, habang may malaking kontribusyon din sina CJ Mesias, Rod Alian, James Ison at Santi Romero ngayong season.

Sinabi ni rookie coach Ren-Ren Ritualo na ang kanyang trabaho, kahit bago pa man magsimula ang season, ay ang ilabas ang potensiyal ng Greenies.

“I’m very optimistic before the start of the season because we have the tallest guys and the guards are also solid. Makikita mo yung potential, my job was to bring out that potential, maximize it, to make it blossom to be here in the finals,” ani Ritualo.