SRA OFFICIALS SA PAG-ANGKAT NG ASUKAL PINAGBIBITIW

SRA

HINAMON ni House Deputy Minority Leader at ACT party-list Rep. France Castro ang iba pang mga opisyal na lumagda sa kontrobersiyal na Sugar Order No. 4 na magsipagbitiw sa kanilang puwesto.

Sa isinagawang joint briefing ng House Committees on Good Government and Public Accountability at Agriculture and Food kahapon, sinabi ni Castro na sa ngalan ng delicadeza ay dapat magsumite ng kani-kanilang courtesy resignation ang mga miyembro ng Sugar Regulatory Board (SRB) na nasa likod ng tangkang pag-angkat ng asukal.

Sinegundahan naman ni Negros Occidental Rep. Juliet Ferrer ang patutsada na ito ng ACT party-list solon at sinabing malinaw na ilegal ang pag-iisyu ng sugar order na ito partikular ang kawalan ng awtorisasyon mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para mag-import ng 300,000 metriko tonelada ng asukal.

Sa panig ni House Committee on Environment and Natural Resources Chairman at Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga, pinuna niya ang kabiguan ng mga opisyal ng SRA at iba pang resource persons na personal na dumalo sa joint committee briefing.

Kaya nag-mosyon ang House panel head na atasan ang mga kinakailangang resource persons na pisikal na humarap sa susunod nilang pagpupulong sa halip na magbigay ng pahayag ang mga ito sa pamamagitan lamang ng Zoom video conferencing.

Samantala, sa pamamagitan ng Zoom ay nagpaliwanag sa mga mambabatas si resigned Department of Agriculture (DA) Usec. Leocadio Sebastian kung bakit niya nilagdaan ang S.O. No. 4 nang hindi ipinaalam kay Presidente Marcos.

Aniya, hindi niya matatanggap na nagdurusa sa mataas na presyo ng asukal ang mga Pilipino kung saan maging ang mga negosyo na gumagamit ng asukal ay labis ding naaapektuahan kaya matapos na mapag-aralan ang mga datos na iprinisinta sa kanya ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ay pinirmihan niya ang kautusan para sa importasyon ng 300,000 MT ng asukal.

Dagdag pa ni Sebastian, agad din naman siyang nagbitiw sa puwesto nang malamang hindi inaprubahan ng Punong Ehekutibo ang kanyang ginawa at ipinauubaya na niya sa Palasyon ang pag-iimbestiga sa isyu.

Nabatid na bukod kay Sebastian ay nag-resign na rin si Atty. Roland Beltran, na miyembro ng SRB.

ROMER R. BUTUYAN