Mga laro ngayon:
(Rizal Memorial
Coliseum)
1 p.m. –- UP vs UST
4 p.m. — FEU vs Ateneo
7 p.m. — CSB vs NU
DINISPATSA ng Far Eastern University ang dating walang talong University of Santo Tomas, 25-21, 25-23, 25-23, para sa mainit na simula sa second round ng 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship nitong Sabado sa Rizal Memorial Coliseum.
Nalusutan ng Lady Tamaraws ang mainit na paghahabol ng Golden Tigresses mula sa 9-point deficit sa third set upang maitala ang surprise sweep sa kanilang Pool F debut.
Humusay si Jean Asis bilang isang converted opposite hitter, umiskor ng 12 points, tampok ang match-clinching kill para sa ika-4 na sunod na panalo ng FEU matapos ang first round sweep.
“Sobrang saya po kasi sa mga past games namin, hirap talaga kaming talunin sila. Finally, natalo namin sila in three sets. So ang sarap sa feeling na nagawa namin ‘yung part namin na maglaro ng maayos at ma-defeat sila,” sabi ni Asis, na lumipat sa wing spot mula sa kanyang natural position bilang middle blocker.
Kumarera ang well-rested Lady Tamaraws, galing sa two-week break, sa 13-4 bentahe sa third frame at tila tatapusin agad ang UST matapos ang dikit na unang dalawang sets.
Subalit pinangunahan nina Angge Poyos at Jonna Perdido ang 11-1 run ng Tigresses upang kunin ang kalamangan, 15-14. Nakabalik ang FEU sa trangko, subalit naitabla ng UST ang talaan sa 21 matapos ang hit ni Poyos.
Sumagot ang Lady Tamaraws ng 3-1 counterattack upang makarating sa match point. Naisalba ni Regina Jurado ang isang puntos para sa Tigresses bago tinapos ni Asis ang one-hour, 45-minute encounter.
Kumana si Asis ng 8 kills at naitala ang apat sa 10 kill blocks ng FEU habang tumapos si Jazlyn Ellarina na may 12 points mula sa spikes, 2 kill blocks at isang ace.
Nahulog ang UST sa 1-1 sa round kung saan nakataya ang dalawang quarterfinals twice-to-beat advantages.
Umiskor si Poyos ng 14 points habang nagdagdag si Perdido ng 10 markers para sa Tigresses, na naputol ang five-game win streak.