Mga laro sa Miyerkoles:
(Rizal Memorial Coliseum)
3:30 p.m. –- CSB vs UP (classification)
6 p.m. — La Salle vs UST (semis)
WINALIS ng last year’s finalists three-peat-seeking National University at University of Santo Tomas ang magkahiwalay na katunggali upang kumpletuhin ang 2024 Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship semifinals cast noong Linggo sa Rizal Memorial Coliseum.
Pinangunahan nina veterans Bella Belen at Alyssa Solomon ang dominating 25-12, 25-22, 25-17 win ng twice-to-beat Lady Bulldogs kontra University of the Philippines sa kanilang quarterfinal clash.
Kumana si Belen ng 9 attacks, 2 aces at 1 kill block para sa game-high 12 points habang umiskor si Solomon ng 10 markers at nakopo ng NU ang ikatlong sunod na semis appearance sa centerpiece tournament ng liga.
Nalusutan ng Lady Bulldogs ang matikas na pakikihamok ng Fighting Maroons sa second set tungo sa panalo upang maisaayos ang kapana-panabik na knockout semis duel sa unbeaten Far Eastern University sa Sabado.
“Ayaw naming ma-waste ‘yung pinaghirapan namin sa training. Bakit pa kami naghihirap sa training kung hindi namin naa-apply sa game?” wika ni reigning tournament Most Valuable Player Solomon.
Ang NU at FEU ay muling maghaharap matapos ang National Invitationals gold medal showdown na napagwagian ng Lady Bulldogs noong nakaraang Hulyo.
Si middle blocker Kassandra Doering ang tanging kuminang para sa UP, na nalagay sa classification round, na may 10 points.
Samantala, humabol ang Golden Tigresses mula sa six-point deficit sa third set upang sibakin ang University of the East, 25-22, 25-21, 25-21, at maisaayos ang semis showdown sa undefeated De La Salle University sa Miyerkoles.
Naitala ni Angge Poyos ang 10 sa kanyang 15 points, pawang mula sa attacks, sa third frame kabilang ang game-clinching kill upang sindihan ang mainit na 13-3 blast ng UST makaraang malamangan sa 12-18.
“Inisip lang namin na i-compose ang sarili namin kasi nga malaki ang lamang ng kalaban. ‘Yung consistency all throughout the game ‘yun talaga ang pinanghahawakan namin and ‘yung communication sobrang importante talaga,” sabi ni Poyos.
Nagtala si Regina Jurado ng 12 points na nagmula sa 8 spikes, 3 aces at 1 kill block para sa UST.
Tumapos si Jelai Gajero na may 18 points subalit hindi nakakuha ng sapat na suporta sa opensa para sa Lady Warriors na napunta sa classification phase.