SSS , ibinalik ang updating ng member’s contact information sa My.SSS

Inanunsyo ng Social Security System (SSS) na maaari nang mag-update ng contact information online ang mga miyembro simula ika-16 ng Mayo, 2022 matapos ibalik ng ahensiya ang online updating ng rekords sa My.SSS portal.

Sa pahayag ni SSS President at Chief Executive Officer Michael Regino, sinabi niya na ang mga miyembrong mayroong My.SSS account ay maaari nang mag-update o magpalit ng kanilang contact details tulad ng numero sa telepono, mobile number, mailing address, foreign address at e-mail address, nang hindi na kailangan magpunta pa sa anumang sangay ng SSS upang magsumite ng member data change request.

Sa mga wala pang contact information maliban sa kanilang mobile number, maaari na rin silang mag-update ng kanilang contact details. Samantala, kung wala namang rehistradong mobile number ang miyembro sa SSS, kinakailangan niyang magsadya sa anumang sangay ng SSS para i-sumite ang kanilang mobile number sa pamamagitan ng Member Data Change Request Form at mag-set ng appointment sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account, o kaya naman mag-walk in na lamang batay sa number coding scheme. Siguraduhin lamang na sunding ang schedule batay sa huling numero ng SSS number.

“Ginawa namin ang lahat ng paraan para mabilis matapos ang pagpapaganda ng My.SSS at maibigay sa mga miyembro ang mas maginhawang paraan ng paga-update ng kanilang contact information kahit sila ay nasa bahay man o opisina, 24/7. Adhikain namin na maibigay sa aming mga miyembro ang mas magandang serbsiyo at matulungan sila sa kanilang transaksyon sa SSS,” ayon kay Regino.

Pansamantalang sinuspinde ng SSS ang online updating ng contact details sa My.SSS noong August 3, 2021 upang bigyang daan ang pagpapahusay ng online portal at mapalakas ang security features nito para maprotektahan ang mga kumpidesyal na impormasyon ng mga miyembro.

Ibinalik ang online updating ng contact details ng mga miyembro upang mabigyan sila ng mas maginhawa at mas ligtas na paraan para mag-update ng kanilang SSS records.

Makakapag-update ng contact information sa pamamagitan ng paglog-in sa kanilang My.SSS account at piliin ang “Update Contact Info” na makikita sa ilalim ng “Member Info” menu. Maaari rin silang mag-update o magpalit ng contact numbers, e-mail addresses at mailing addresses, maliban sa kanilang home address, at isumite ito online.

Magpapadala ang SSS ng notification sa e-mail at mobile number ng miyembro. Kinakailangan lamang na kumpirmahin ang request sa pamamagitan ng pag-click sa link na ipinadala sa kanilang email upang i-update ang kanilang contact details.

May tatlong araw lamang ang mga miyembro para kumpirmahin ang request dahil otomatikong mawawalan ng bisa ang link pagkatapos ng nasabing panahon at kinakailangan nang ulitin ang proseso.

Matapos kumpirmahin ang request, makikita na ang inupdate na contact information sa system makalipas ng dalawang araw at ipagbibigay alam ito sa miyembro.

Hinimok ni Regino ang lahat ng miyembro na siguraduhing ibigay ang updated na contact information dahil dito ipapadala ng SSS ang anumang mga mensahe at updates mula sa ahensiya.