PARA kanino ka bumabangon? Ang ganda ng tanong na ito mula sa isang commercial dahil nakaka-relate ito sa ating lahat na mayroong dahilan para bumangon sa araw-araw—ang ating inspirasyon—mga mahal sa buhay, pamilya at ano pa mang nakapagdudulot sa atin ng dahilan para ipagpatuloy ang bawat araw sa pagpupursige na makamtan ang pangarap.
Stand-up! Ito naman ang bersiyon ng PILIPINO Mirror – Ang Unang Tabloid sa Negosyo! na isang paghikayat sa ating lahat na “panahon na para muling tumayo at ipagpatuloy ang naudlot na pagkamit sa pangarap” partikular na sa ating mga kababayang mayroong maliliit na negosyo o nasa sector ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) na labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Aminado tayong mahirap makagalaw nang husto noong kasagsagan ng pandemya dahil maraming restriction ang ipinatutupad para maiwasan ang pagkalat ng virus. dahil diyan, marami ang nawalan ng trabaho, maraming negosyo ang pansamantalang nagsara (ang iba, tuluyan nang nagsara).
Sa kabilang banda, sadyang kapag nasa oras nang kagipitan, lumalabas ang taglay na likas na galing ng ating mga kababayan para makasabay sa hinihingi ng panahon at kalaunan, maging isang ganap na hanapbuhay o negosyo.
Marami ang nagpakita ng kanilang talento sa social media at maging ganap na karir ang pagba-vlog—nariyang ipinamamalas ang galing sa pagkanta at pagsayaw, pagbuo ng mga nakatutuwang skit, pagpapakita ng mga pamamaraan sa pagluluto at marami pang iba.
Nakatutuwa ring isipin na marami ang kumikita at patuloy na nagkaka-interes sa online delivery service at ride-hailing service na malaki ang naitutulong sa atin para mapabilis ang pag-order ng pagkain, mga kagamitan at sumakay gamit lamang ang application na nada-download sa cellphone.
Marami ring mga indibidwal at organisasyon ang patuloy na tumutulong sa ating mga kababayan para tuluyang makabangon ang mga nangangailangan. Nariyan ang BVG Foundation, kapartner ang kanilang tinatawag na “angel investor” tulad ng Rotary Club at business owners para ayudahan itong mga sumasali sa kanilang programa na gustong magsimula ng maliit na negosyo at iyong mga nawalan ng hanapbuhay o dati nang may negosyo pero nalugi at gustong makabangon muli.
Nagsasawa sila ng libreng webinar o seminar na tinatawag nilang “Bisyong Pagnenegosyo” na kung saan, ang kanilang mapipili ay mabibigyan ng “ayuda” o tulong na kapital na ayon sa ipinasa nitong business plan. Nariyang napalago ang dating simpleng naglalako lamang ng tindang ulam at naging ganap nang karinderya.
Naayudahan din ang mga may talento sa paggawa ng cakes, pastries, iba’t ibang klase ng tinapay, paggawa ng processed meat, paggawa ng sabon at pabango, at kung anu-ano pang pagkakakitaan.
Itinuturo nila ang mga pamamaraan kung paano makapasa sa panlasa ng kanilang mga konsyumer ang kanilang produkto at maski ang proseso ng pagbuo ng isang ganap na negosyo na mayroong kaukulang permit.
Isa ang BVG Foundation sa tunay na nanghikayat sa ating mga kababayan na muling tumayo at ipagpatuloy ang pag-abot sa pangarap na maging matagumpay sa binabalak na negosyo. Sa tulong ng kanilang mga partner at mga miyembro na walang sawang sumusuporta sa bawat isa.
Ang ilan naman sa ating mga kababayan ay naging successful sa online selling. Naimamarket nila ang mga mga produkto sa social media o di kaya’y gumagawa ng account sa mga online selling app para mapabilis ang transakyon at pagbebenta.
Sa pagkamit ng ating pangarap, walang puwang ang salitang pagsuko kahit pa nasa pinakalugmok na sitwasyon na tayo. Walang problema na mananatiling problema kung patuloy tayong lalaban. Maaari tayong malungkot o umiyak dahil sa kabiguan pero ‘wag na ‘wag nating hahayaan manaig ito. Muling bumangon at ipagpatuloy ang pagkamit na inaasam-asam na ginhawa sa buhay.
Hangad ng PILIPINO Mirror ang tagumpay mo. Isa ito sa aming adbokasiya na makatulong sa ating mga kababayan na maiangat ang antas ng pamumuhay.
– CRIS GALIT