STANDHARDINGER, ABUEVA PINAGMULTA

on the spot- pilipino mirror

BALIK sa porma ang Magnolia Hotshots laban sa Rain or Shine Elasto Painters, 85- 74, sa Game 3 ng kanilang best-of-seven semifinal series sa PBA Philippine Cup noong Martes sa Araneta Coliseum. Si Ian Sangalang ang nanguna sa koponan na gumawa ng 16 points. Kapansin-pansin na naging malamig ang ulo ni Sangalang at kahit anong pang-iinis ang gawin ni Beau Belga ay hindi niya pansin, bagkus ay nakatuon ang puso’t isipan niya sa laro. Naging matagumpay naman ang pag- focus ni Sangalang at ng kanyang mga kasamahan kaya naiuwi nila ang Game 3. Ipagpapatuloy ang serye sa Lunes, Abril 22.

Mukha namang pinag-aralang mabuti ni coach Chito Victolero ang mga laro nila ng Elasto Painters kaya pagdating ng Game 3 ay hindi siya na-rattle kahit pa lamang ang RoS sa kanila. Naging bahagi ng tagumpay ng Pambansang Manok si  Fil-Am player Justin Melton kung saan ang three-point bomb na pinasabog nito ang nagbigay-daan sa momentum ng team. Abangan natin ang Game 4. Maitabla kaya ng Hotshots ang serye sa 2-2 o makalapit ang Elasto Painters sa finals?



May gulong nangyari sa Game 2 ng San Miguel Beer at Phoenix , sa pagitan nina  Christian Standhardinger at Calvin Abueva na bumagsak pareho sa sahig. Hindi sinasadyang natamaan ni Standhardinger ang mukha ni Abueva, sa kaliwang bahagi na malapit sa mata nito. Nangisay- ngisay si Abueva sa sakit na naramdaman. Sa pag-review sa naganap na kaguluhan noong Martes sa tang-gapan ni Kume Willie Marcial, pinagmulta si Stanhardinger ng P20,000 sa ibinigay na F2 ng referees dahil sa pagsipa sa hardcourt ng player. Habang si Abueva naman ay pinagmulta ng P15,000 sa pasimpleng pag-sign ng dirty finger ng ilang beses na nakita sa camera. Pinagmulta rin ang teammate ni Calvin na si Doug Kramer ng P5,000 sa pakikilahok sa gulo.

Pinananabikan ang best-of-seven semifinals ng SMB  at Phoenix dahil sa pagiging mainit ng laro na siguradong magkakaroon ng away sa loob ng court.

Good luck sa ROS at Magnolia, gayundin sa  SMB at Phoenix.



Bigyan natin ng pansin itong si Leo Na­varro Esguerra, manlalaro ng Treston International School. Naging player rin siya ng JRU, sa kampo ni coach Vergel Meneses. Ilang teams sa MPBL ang nagkakainteres na kunin ang kalibre ng 24 yrs. old. Pero bilib kami sa kanya, kahit pera ang pinag-uusapan na malaki ang maitutulong sa kanya at sa kanyang pamilya ay priority ni Esguerra ang pag-aaral. Bawal  kasi sa Treston International School na maglaro sa semi-professional league. Gusto munang tapusin ng basket-bolista  ang kanyang pag-aaral bago pasukin ang professional league. Kilala si Leo sa mga ligang labas bato-bato, matapang umano ang player sa pagbibida ng dating head coach niyang si Weng Adina na hawak siya dati sa Fatima University, bago naging head coach si Ralph  Rivera.  Hanggang gayon ay ginagabayan pa rin ni coach Weng  si Esguerra. Anyway, to Leo Navarro Esguerra, good luck and hope matupad mo ang pangarap mo na makilala ka bilang basketball player sa kilalang liga.

Comments are closed.