NAMUMURO si Barangay Ginebra star Christian Standhardinger para sa ikalawang Best Player of the Conference (BPC) plum makaraang pangunahan ang statistical race sa pagtatapos ng PBA Governors’ Cup elimination round.
Ang Filipino-German player ay may average na 42.8 statistical points (SPs) na nalikom mula sa all-around numbers na 22.9 points, 10.2 rebounds, at 6 assists sa siyam na laro upang tulungan ang reigning champions na kunin ang no. 3 seed sa playoffs.
Ito ang ikalawang pagkakataon na ang dating no. 1 overall pick ay malakas na contender para sa pinakamataas na individual honor sa conference magmula nang mapanalunan ang award sa 2019 Governors’ Cup habang nasa NorthPort.
Si Standhardinger ay napili ring Finals MVP sa huling Commissioner’s Cup na napagwagian ng Ginebra kontra guest team Bay Area Dragons.
Nakabuntot sa Ginebra center ang San Miguel duo nina CJ Perez at June Mar Fajardo sa second at third place, ayon sa pagkakasunod.
Si Perez ay may 39.3sps (20.7 ppg. 6.7rpg. at 4.4 apg), habang si Fajardo ay nagposte ng 37.6sps at nangunguna sa liga sa rebounding na may average na 12.8 bago nagtamo ng MCL injury.
Dalawang TNT Tropang Giga ang umokupa sa fourth at fifth spots sa likod nina Calvin Oftana (36.1sps) at Roger Pogoy (35.8sps).
Kumumpleto sa Top 10 sina Barangay Ginebra’s Jamie Malonzo (33.5sps), scoring leader Juami Tiongson ng Terrafirma na may 33.30sps at league-best 25.6 points average, Maverick Ahanmisi ng Converge (33.27sps), Magnolia’s Calvin Abueva (32.6sps), at TNT sophomore Mikee Williams (32.5sps).