STRESS-FREE TIPS THIS HOLIDAY SEASON

STRESS-FREE

(ni CS SALUD)

MATINDING stress, iyan ang isa sa dapat nating iwasan ngayong holiday season. Oo nga’t napakaraming problema o alalahaning bigla-bigla na lang kung sumalakay kapag ganitong pagkakataon. Gayunpaman, kailangan matuto tayong i-handle ang kinahaharap na stress, ano pa man ang dahilan nito.

Okey, mahirap nga namang maiwasan ang stress lalo na’t kaakibat ito kapag sumasapit ang holiday season. Dahil diyan, may ilang simpleng tips kaming nais na iba­hagi sa inyo nang maging stress-free ang inyong holiday season:

ISAPUSO ANG DIWA NG OKASYON

Maraming puwedeng dumating na problema o nakaiinis na bagay na hindi natin ina­asahan kapag holiday.

Kaya naman, para maiwasan ang stress, maganda kung isasapuso natin ang diwa ng naturang okasyon—at iyan ay ang paglalaan o pag-spend ng time kasama ang pamilya, mga kaibigan at taong malalapit o nagkaroon ng pagtatangi sa ating puso. Ito rin ang panahon ng pagmamahalan, pagbibigayan at pagsasaya.

At kung isasapuso natin ang mga nabanggit, maiiwasan natin ang stress at paniguradong ligaya ang babalot sa ating buong pagkatao.

ALAGAAN ANG SARILI

Isa rin sa paraan upang maibsan o maiwasan ang stress na maaaring manggulo sa kahit na sino sa atin ngayong holiday ay kung aalagaan nating mabuti ang ating sarili. Ibig nitong sabihin,  iwasan ang pagpupuyat hangga’t maaari. Kailangan ding kumain tayo ng masusustansiyang pagkain. Higit sa lahat, huwag kalilimutang mag-ehersisyo.

Oo, nag-aalala tayo sa mga kailangang gawin, dapat lutuin, ibibigay na regalo at marami pang iba. Gayunpaman, importante pa rin ang pag-iingat sa sarili. Kaya’t isaalang-alang ang mga nabanggit.

HUWAG MAG-ALANGANG HUMINGI NG TULONG

Gusto nating ma­ging maayos at masaya ang pagdiriwang ng holiday. Ginagawa natin ang lahat para ma-achieve natin ang mga gusto na­ting ma-achieve: sa pag­hahanda ng pagkain, sa ayos ng buong bahay at sa regalong ating ibibigay. Maging ang ating kabuuan ay pinagpa­planuhan nating mabuti. Kung anong damit ang susuotin gayundin ang gagawing ayos ng buhok at makeup.

Minsan din, dahil gusto nating maging perfect ay tayo na ang gu­magawa ng lahat ng mga kailangang gawin. Pero kung ikaw lang ang kikilos, maaari kang mainis at kalaunan ay ma-stress.

Kung puwede namang humingi ng tulong sa pamilya, huwag magdalawang isip na humingi ng tulong. Mas magiging magaan din at maluwag sa loob ang pag­hahanda kung may tumutulong sa iyo sa mga gawain.

MAGING REALISTIC

Iwasan din nating maging perfectionist. Maging realistic tayo. Maraming puwedeng mangyari. Sabihin mang pinaghandaan natin iyang mabuti, kung minsan ay may nangyayari pa ring hindi inaasahan. At kung sakali mang magkaaberya, relax lang.  Gawan ng paraan nang masolusyunan.

HUWAG MASYADONG SERYOSO

May ilan sa ating seryoso. Ngayong holiday, magsaya tayo. Ibig sabihin, huwag munang maging seryosong mas­yado. Huwag masyadong istrikto.

Kumbaga, relax lang tayo. Hayaan nating namnamin ng ating kabuuan ang okasyon. Hayaan nating magsaya ang ating sarili kapiling ang mga mahal sa buhay.

Kung gugustuhin natin, maiiwasan naman talaga natin ang ma-stress ngayong holiday. Mara­ming paraan. At ang simple o maliliit na bagay rin ay huwag na­ting hayaang sumira sa natatanging okasyon. Kumbaga, palampasin na lang.

Mag-enjoy tayo hindi lamang kapag holiday season kundi sa bawat araw na ibinigay sa atin ng Diyos. (photos mula sa momitforward.com, thriveglobal.com, quickanddirtytips.com)