STUDES AYUDAHAN SA ONLINE LEARNING

Senadora Grace Poe-5

HINIKAYAT ni Senadora Grace Poe ang Department of Education (DepEd) na mas paigtingin ang partnership nito sa mga kompanya ng telekomunikasyon at pribadong sektor upang matiyak na ang mga mahihirap na estudyante ay makikinabang din sa online learning.

“Ang ating mahihirap na mag-aaral saan mang sulok ng bansa ay dapat ring magkaroon ng oportunidad na makasali sa online classes at hindi lamang magkasya sa mga printed module. Hindi sila dapat mahadlangan ng kakulangan sa basic access,” ani Poe.

“Obligasyon natin na pagtulung-tulungang maibigay ang tamang ayuda para matuto sila nang husto at lumabas ang natural nilang kakayahan,” dagdag pa nito.

Sa pagdinig ng Senado noong Setyembre 25 sa budget ng DepEd para sa susunod na taon, tinanong ni Poe si Secretary Leonor Magtolis Briones kung ang kanyang departamento ay mayroong mga memorandum of agreement (MOA) sa mga telco upang matulungan ang mga estudyante at guro na magkaroon ng epektibong edukasyon online.

Kinumpirma naman ni Briones ang nasabing MOA sa mga pribadong provider na may mga adhikaing kahanay ng sa DepEd.

Gayunpaman, inamin ng kalihim na ang pinansiyal na aspeto nito ay mahalagang konsiderasyon.

“Ang mga ito ay dumaraan sa parehong standard at criteria for evaluation,” sabi ni Briones kay Poe. “Marami sila (private providers), hindi lamang isa o dalawa o tatlo, sa mga local governments…”anito.

Ayon kay Briones, una pa man, mas pinili ng mga mag-aaral at magulang ang modular learning.

“Noong enrollment, tinanong namin ang mga bata at titser, maging ang mga magulang, kung ano’ng gusto nilang paraan ng pag-aaral at ang sabi nila, modular—‘yung gumagamit ng mga naka-print na reading material,” dagdag niya.

“Isang hamon sa amin (sa departamento) na bawasan ang paggamit ng mga printed material at imbes ay magtungo na sa mga online tool para sa edukasyon,” sabi pa ng kalihim.

“Walang bata ang dapat maiwanan pagdating sa edukasyon,” ani Poe, kasabay ang pagdidiin sa kahalagahan ng pagtutulungan ng buong komunidad upang matiyak na ang mga kapus palad ay magkakaroon ng patas na mga oportunidad sa buhay.

Matatandaang kamakailan ay nag-donate si Poe, chairperson ng Senate committee on public services, ng mga mobile gadget sa mga mahihirap na mag-aaral upang matulungan silang makaagapay sa online at blended learning sa gitna ng pandemya.  VICKY CERVALES

Comments are closed.