KINUMPIRMA ng Department of Education (DepEd) na may ilang estudyante na ang nagpositibo sa ilegal na droga.
Kasunod ito ng ginagawang random drug testing noong school year 2017 – 2018 na ipagpapatuloy ngayong 2018 hanggang sa susunod na taon kung saan target ng DepEd ang 20,000 na mga estudyante.
Ayon kay DepEd Spokesman Nepomuceno Malaluan, bagama’t may mangilan – ngilan na nagpositibo ay malayo naman ito sa alarming level.
Aniya, hindi ipakukulong o sisipain sa paaralan ang mga mag-aaral na nagpositibo sa droga bagkus ay sasailalim sa intervention, counselling at iba pa.
“This is not a law enforcement matter kaya ang aming ka-partner dito sa combat na ito ay hindi PNP, hindi local government kundi ang Department of Health,” ani Malaluan
Samantala, siniguro ng DepEd na magiging pribado at may seguridad ang mga batang sasailalim sa random drug testing.
Ayon kay Malaluan, magiging masinop ang paghahanda ng ahensiya para sa naturang drug testing upang siguruhing mabibigyang proteksiyon ang mga mag-aaral.
Dagdag pa ni Malaluan, hindi lalabas sa anomang paraan ang mga detalye at maging resulta ng isasagawang test.
“Talagang sininop namin, ang unang issue riyan ay privacy, confidentiality of records and results of this drug testing, sinisiguro namin ‘yan sa mga magulang at mag-aaral,” pahayag ni Malaluan.
Kaugnay nito, isang 17-anyos na estudyante ang kasama sa limang hinihinalang drug personalities ang naaresto ng mga pulis sa buy bust operation sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Station Drug Enforcement Unit (SDEU) head Sr. Insp. Cecilio Tomas Jr., ang mga naarestong suspek na sina Sheri Dan Barro, 25, Joven Andrew De Guzman, 24, kapwa ng Macabalo St. Brgy. 37, Aaron Ambrosio, 34 ng 1024 Mariano St. Casamiro, Brgy. 33, Rodrigo Dela Peña, 34 ng 2637 Lico St., Tondo, Manila at ang 17-anyos na binatilyong estudyante.
Sa imbestigasyon ni PO1 Lester John Alpecho, dakong alas-11:30 ng gabi nang isagawa ng mga tauhan ng SDEU sa pangunguna ni Sr. Insp. Tomas ang buy bust operation kontra sa mga suspek sa 229 Macabalo St. Brgy. 37 na nagbenta ng halagang P500 na shabu sa pumosteng buyer na pulis. RHIAN BRIONES-DWIZ882 (May dagdag na ulat si EVELYN GARCIA)
Comments are closed.