SUBSIDIYA PARA SA MODERN JEEP ITATAAS SA P260K

PUV modernization program

NAKATAKDANG itaas ng Department of Transportation (DOTr) ang equity subsidy nito para sa drivers ng public utility vehicles (PUVs) sa P260,000 upang makabili sila ng e-jeepneys para sa PUV modernization program.

Sa kasalukuyan, ang equity subsidy para sa bawat driver na nais bumili ng modern PUV unit ay nasa P160,000.

“Dahil patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ang pagtaas ng presyo ng mga gastusin, itataas din ng Kagawaran ang equity subsidy na tinatawag to a maximum amount of P260,000,” pahayag ni DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor sa panayam sa GMA News’ Unang Balita.

Target ng ahensiya na itaas ang subsidiya sa second quarter ng 2023.

Ayon kay Pastor, ang class 1 modern jeepney ay nagkakahalaga ng P1.4 million hanggang P1.8 million; class 2, P2 million hanggang P2.6 million; at class 3, P2.5 million hanggang P3 million.

Ilang transport groups ang kasalukuyang nagsasagawa ng week-long strike bilang protesta sa PUV Modernization Program, na naglalayong palitan ang traditional jeepneys ng modernong sasakyan.